News Releases

English | Tagalog

"Lavender Fields" at "Pamilya Sagrado," binasag ang kani-kanilang viewership record

October 03, 2024 AT 04 : 48 PM

Inaabangang paghaharap nina Coco at Jaime, pasabog sa “FPJ’s Batang Quiapo”

Mas maraming Pilipino ang patuloy na tumututok sa mga teleserye ng ABS-CBN matapos basagin ng “Lavender Fields” at “Pamilya Sagrado” ang online viewership records nila sa Kapamilya Online Live sa YouTube nitong Miyerkules (Oktubre 2). 

Nakamit nga ng “Lavender Fields” ang bago nilang all-time high peak concurrent views na 657,514 matapos pakinggan ni Zandro (Albert Martinez) ang paliwanag ni Jasmin (Jodi Sta. Maria) tungkol sa kanyang pagtatago sa katauhan ni Lavender Fields at sa pagpapatakas dito mula kina Iris (Janine Gutierrez). 

Samantala, panibagong milestone rin ang nagawa ng “Pamilya Sagrado” bilang kauna-unahang primetime serye sa ika-tatlong slot na makaabot ng lampas 300,000 peak concurrent views. 

Nakakuha ang serye ng 307,369 peak views nang abangan ng manonood ang unang pagkikita nina Rafael (Piolo Pascual) at Moises (Kyle Echarri) matapos malaman ng dating presidente na anak pala niya ito. Makikilala rin ng manonood ang mga bagong karakter na aabangan nila sa serye na sina Ketchup Eusebio, Argel Saycon, Zeppi Borromeo, Marela Torre, Ross Pesigan, Junjun Quintana, at Ryan Eigenmann.

Hindi naman pinalalampas gabi-gabi ng viewers ang maaksyong eksena sa “FPJ’s Batang Quiapo” na may pinakamataas na all-time high concurrent viewership record na 729,234 views lalo pa at nanganganib ang buhay ni Tanggol (Coco Martin) sa kamay ni Facundo (Jaime Fabregas) at ang inaabangang paghihiganti ng mga Montenegro sa mga Caballero. 

Abangan ang mga makapigil-hiningang rebelasyon sa “FPJ’s Batang Quiapo,” “Lavender Fields,” at “Pamilya Sagrado” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC. Available ang latest episodes nito sa loob ng 21 na araw matapos silang unang ipalabas sa Kapamilya Online Live sa YouTube. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.