News Releases

English | Tagalog

Kaligtasan ng mga Pilipino, hangad nina Jeff, Doc Ted, at Prof. Mahar sa “DZMM Red Alert”

October 12, 2018 AT 04:24 PM

Safety comes first for Jeff, Doc Ted, and Prof. Mahar of “DZMM Red Alert”

On a mission to impart knowledge and skills on emergency and disaster-preparedness to Filipinos is “DZMM Red Alert’s” formidable trio —- multi-awarded journalist Jeff Canoy, survival and disaster expert Doc Ted Esguerra, and Project NOAH director and geologist Mahar Lagmay.

Ang ‘dream team’ sa emergency at disaster-preparedness…

Maaaring mangyari ang sakuna anumang oras, ngunit tulad nga sa laging naririnig sa programang “DZMM Red Alert,” laging ligtas ang may alam.

Kaya naman puspusan ang paghahatid ng impormasyon at pagtuturo ng mga paraan para sa kaligtasan ng mga anchors ng programa sa DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM TeleRadyo na sina Jeff Canoy, Doc Ted Esguerra, at Prof. Mahar Lagmay, tuwing Linggo ng 10 am.

Mistulang ‘dream team’ ang tatlo sa emergency at disaster-preparedness sa kanya-kanya nilang kakayahan at kaalaman. Si Jeff, na katatanggap lang ng mga tropeo mula sa Cannes at Palanca Awards sa kanyang dokyu at akda tungkol sa Marawi, ay mahigit sampung taon nang nagbabalita sa mga kalamidad at kaguluhan sa iba’t ibang parte ng bansa. Si Doc Ted ay kilala bilang eksperto sa survival at disaster medicine, samantalang direktor naman ng Project NOAH ang geologist na si Mahar.

“Dahil buhay ng mga tao ang pinaguusapan natin, layunin talaga ng aming programa na maibigay ng mabilis at maitatak sa mga Pilipino ang mga impormasyon na makakatulong sa kanila sa harap ng kapahamakan. Si Sir Mahar ang tagapaliwanag sa siyensya, si Doc Ted ang nagsasabi kung ano ang gagawin, at ako naman ang naghahatid ng mga kwento at katanungan ng mga tao,” ani Jeff.

Si Jeff ang baguhan sa programa matapos sumali noong 2017 kasabay ng pagtanggap niya bilang anchor ng “Red Alert” sa ABS-CBN. Bagamat nanibago sa radyo, malaking tulong diumano ang kanyang mga katrabaho na batikan na sa pagpapaliwanag ng mga komplikadong bagay sa siyensa sa masa.

Si Doc Ted, isang humanitarian worker na kabilang sa unang Philippine Mt. Everest Expedition team, ay humuhugot daw sa kanyang karanasan bilang musikero at sa pagte-teatro.

“Hindi lahat ng tao kayang intindihin ang hard science. Kaya pinapasok ko ang kaalaman ko sa kultura at arts depende sa mga taong tinuturuan ko,” sabi niya.

Hindi naman inasahan ng UP professor at academician ng National Academy of Science and Technology na si Mahar na mapapasok siya sa broadcasting. Ngunit kailangan daw ito upang mapalaganap ang kaalaman sa mga kalamidad at paano ito paghahandaan.

“Lalo na ngayong may climate change at napapadalas ang mga kalamidad, importanteng may alam at may kakayahan ang bawat isa sa atin para maiwasan ang disgrasya at kamatayan. Magandang plataporma ang radio para rito,” sabi ni Mahar.

Dagdag ni Jeff, nakakapagbigay sila ng agarang sagot sa mga katanungan ng kanilang tagapakinig maski doon sa malalayong probinsya na naaabot lang ng radyo. Maliban dito, lumalabas din sila ng booth upang magturo ng emergency at disaster preparedness sa mga paaralan at barangay sa pamamagitan ng “TV Patrol Caravan,” “DZMM Kapamilya Day,” at “Red Alert Emergency Expo.”

Samantala, DZMM Radyo Patrol 630 pa rin ang una at laging pinakikinggan sa Mega Manila base sa Kantar Media Radio Survey.  Sa ikalawang quarter ng taon, nakakuha ang DZMM ng audience share na 25% kumpara sa 22% ng DZBB at 21% ng DZRH.

Mapakikinggan at mapanonood ang “DZMM Red Alert” sa DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM TeleRadyo tuwing Linggo ng 10 am. Manood online sa iwantv.com.ph o skyondemand.com.ph. Para sa balita, sundan ang @DZMMTeleradyo sa Facebook at Twitter o pumunta sa dzmmm.com.ph. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abscbnpr.com.