The much-awaited comeback film of one of Philippine cinema’s most notable actors, Aga Muhlach — the blockbuster family drama “Seven Sundays” — marks its premiere on Cinema One this Sunday (April 15), 8pm.
Anong gagawin mo kapag may natitira ka na lamang na pitong linggo sa iyong buhay?
Ipapalabas na sa Cinema One ngayong Linggo (Abril 15) ang pinakahihintay na pagbabalik sa pelikula ng isa sa pinakamagagaling na aktor sa bansa, si Aga Muhlach, sa certified blockbuster at pelikulang pangpamilya na “Seven Sundays.”
Bukod kay Aga, isang star-studded ensemble ang mapapanood sa nakakatawa at nakakaiyak na kwento nito — sina Christine Reyes, Dingdong Dantes, Enrique Gil, at Ronaldo Valdez. Mula naman ito sa direksyon ng blockbuster filmmaker na si Cathy Garcia-Molina.
Tampok dito ang apat na magkakapatid na Bonifacio na sina Allan (Aga), Brian (Dingdong), Cha (Christine), at Dex (Enrique) na kailangang bumalik sa tahanan ng kanilang pamilya upang harapin ang balitang may kanser ang kanilang ama, si Manuel (Ronaldo), at may natitira na lamang na dalawang buwan para mabuhay.
Hiling ni Manuel na samahan siya ng mga anak sa mga huling Linggo ng kanyang buhay. Dahil dito, mapipilitang balikan ng magkakapatid ang masasakit na nakaraan na dahilan ng kanilang pagkakawatak-watak ngayon. Magkakaroon kaya sila ng pagkakataong harapin ang mga isyu sa pagitan nila? Matupad naman kaya ang huling kahilingan ng kanilang ama?
Ayon kay Pablo Tariman ng philstar.com, maraming kapuri-puri sa pelikula partikular na ang panulat nito na magaling at mapang-unawa, at ang pagganap ng mga karakter na sadyang makakatotohanan. Ito anya ang isang kwento na lahat ay nagpakita ng kanilang galing.
Bukod dito, isinulat rin ni Tariman na tagos sa puso at kaluluwa ng bawat pamilya ang pelikula at isang makabagbag damdamin ang kwento nito na nagtuturo ng pagmamahal at pagpapatawad.
Ayon naman kay Rito Asilo ng Inquirer.net, malaking hamon ang hinarap ni Aga sa kanyang pinakabagong proyekto na napagtagumpayan niya pagkatapos ng kanyang limang taong pahinga sa pelikula.
Pinuri naman ni Oggs Cruz ng rappler.com ang ‘fresh appeal’ ng palabas. Anya, tila sariwang hangin ang dala ng “Seven Sundays” sa industriyang puno ng paulit-ulit na kwento ng pag-ibig.
Panoorin ang “Seven Sundays” kasama ang buong pamilya ngayong Linggo (Abril 15), 8pm sa Blockbuster Sunday ng Cinema One. Mapapanood ang nangungunang cable channel sa bansa sa Skycable Channel 56, SKYdirect Channel 19, Destiny Cable Analog 37 at Digital 56. I-like ang Cinema One sa Facebook sa facebook.com/Cinema1channel para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OpenAir Cinema One.