Hinirang na grand winner ng world class talent search ng ABS-CBN na “Pilipinas Got Talent” ang single mom na si Kristel De Catalina matapos talunin ang siyam pang mahuhusay na acts sa ginanap na ‘Greatest Showdown” ng programa noong weekend sa Bren Z Guiao Convention Center in San Fernando, Pampanga.
Nakakuha si Kristel ng 99.67% pinagsamang boto mula sa viewers at sa judges at nag-uwi ng P2 milyong cash plus vacation package. Siya na ang ika-anim na grand winner simula ng ilunsad ang “Pilipinas Got Talent” at first solo female act na nag-uwi ng kampeyonato.
Pumangalawa naman sa laban sina Julius at Rhea na may 84.6% ng combined votes at pangatlo naman si Joven Olvido na may 79.05%.
Napahanga ni Kristel ang jampacked na Bren Z Guiao Convention Center dahil sa kanyang makapigil-hiningang aerial stunt at madamdaming spiral pole dance performance. Audition pa lang ay agad ng nakapasok sa semi-finals si Kristel matapos siyang piliin ni judge Vice Ganda bilang kanyang Golden Buzzer act. Nanguna naman sya sa botohan sa sumunod na round kaya nakuha ang inaasam na slot sa grand finals.
Nanatili ang “Pilipinas Got Talent” bilang isa sa pinakamatagumpay na talent-reality shows sa Philippine TV. Pinaka-record breaking din na maituturing ang naturang season. Sa pilot telecast nito, pumalo agad ang PGT season 6 sa all-time high rating nito na 43.3% na siyang isa sa pinakamataas na rating na naitala ng isang weekend program para sa taong ito.
Ito rin ang pinakaunang Kapamilya show na ginawaran ng YouTube Gold Creator Award dahil sa pagkaroon nito ng mahigit isang milyong subscribers. Ang official Facebook page ng programa ay tumabo din ng 1 milyong likes.
Ang PGT season 6 din ang may pinakamaraming combined Facebook at Youtube views kumpara sa mga nauna nitong seasons.
At pinakahuli, ang season ito na ang may pinaka-diverse na line up ng acts sa kasaysayan ng PGT.
Ang “Pilipinas Got Talent” ay pinangungunahan nina Billy Crawford at Toni Gonzaga kasama ang judges na sina Freddie “FMG” Garcia, Angel Locsin, Robin Padilla, and Vice Ganda.
Para sa updates sa Kapamilya shows, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.