More than a thousand Filipinos received free medical services when the “Salamat Dok” team led by anchors Bernadette Sembrano-Aguinaldo, Alvin Elchico, and Jing Castaneda celebrated the 14th anniversary of the “health show ng bayan” with a medical mission in Taytay, Rizal recently.
Dept. of Health sec. Francisco Duque, nakiisa sa selebrasyon
Mahigit isang libo ang nabigyan ng serbisyong medikal ng “Salamat Dok” sa selebrasyon ng ika-14 na taon ng health show ng bayan sa Taytay, Rizal kasama ang anchors na sina Bernadette Sembrano-Aguinaldo, Alvin Elchico, at Jing Castaneda kamakailan lang.
Tulad ng gawain nila linggo-linggo, isang medical mission ang hinatid ng programa kasama ang mga katuwang na volunteer at organisasyon sa mga taga-Taytay, kung saan 534 ang nakapagkonsulta ng libre, 312 ang nakakuha ng libreng gamot, 75 ang nabunutan ng ngipin, 73 ang natuli, 93 ang nabigyan ng libreng salamin, 58 ang na-ECG, 23 ang nagpasuri ng dugo, 20 ang nagpa-ultrasound, at 18 ang naoperahan ng libre para tanggalin ang mga bukol o isaayos ang cleft lip sa pamamagitan ng “Hospital on Wheels.”
Kasabay nito, nakasama rin nina Bernadette at Alvin sina Department of Health (DOH) secretary Dr. Francisco Duque III at Philhealth OIC-vice president for corporate affairs Dr. Israel “Ish” Pargas sa talakayan tungkol sa mga isyu sa dengue vaccine na Dengvaxia. Dito nagkaroon din ng pagkakataon ang mga magulang na makapagtanong ng diretso sa mga opisyal ng gobyerno tungkol sa mga tulong na maibibigay nila sa mga mamamayan.
Ani DOH sec. Duque, importante ang ginagampanang papel ng “Salamat Dok” para maipalaganap ang tamang impormasyon sa mga Pilipino ukol sa pangangalaga ng kalusugan ng buong pamilya.
“Ako po ay natutuwa sapagkat kayo po ay nakakatulong din sa Department of Health para mapalawig natin ang mga programang pangkalusugan. Sa pamamagitan ng ‘Salamat Dok’ ay ‘yung pong nakakapagpaliwanag kami ng mga mahahalagang mga mensahe katulad ng ating pagbabakuna na sana po ay manumbalik ang ating pong tiwala para po nang sa ganoon ay mabigyan natin ng sapat na proteksyon ang ating pong mga anak laban po sa mga sakit na posibleng makamatay,” aniya.
Dagdag naman ni VP Pargas, patuloy na magiging kaakibat sila ng adbokasiya ng programa, na mahigit isang dekada nang naghahatid ng impormasyon at aktwal na serbisyong medikal sa mga Pilipino sa tulong ng mga katuwang na volunteer at organisasyon mula sa gobyerno at pribadong sektor.
“Maasahan po ninyo na sa kahit anong oras na kami po ay tutulong at kami po ay laging bukas lalo na sa pagpapakalat ng balita tungkol sa PhilHealth. Sa ngalan na rin po ng Department of Health, sa ngalan po ng aming presidente si Dra. Celestina Dela Serna, ang aming pong pagbati,” sabi ni Paragas.
Kwento naman ng isang ginang na si Maria Rowena Almedora, malaking tulong sa kanilang pamilya ang pagbisita ng “Salamat Dok,” lalo na at may dala ito mga espesyalista at maraming serbisyong ibinibigay.
“Nakakapagpa-checkup naman kami pero kasi Salamat Dok ‘yan, mga espesyalista kaya nag-pursige kami. Nakakuha pa kami ng libreng salamin, matagal na akong may problema sa paningin,” pagbabahagi niya.
Sa programa, sinabi ni Alvin na silang mga pasyenteng gumaling sa kanilang karamdaman at nabago ang buhay ang nagsisilbing inspirasyon nila sa pagpapatuloy ng kanilang adhikain. Nagpasalamat naman si Bernadette sa malasakit ng mga Kapamilyang volunteer at organisasyon sa kanilang patuloy na pagsuporta sa mga proyekto ng “Salamat Dok.”
Isa rito ang “Hospital on Wheels” na buma-biyahe sa iba’t ibang lugar upang magbigay ng liberang operasyon sa mga Pilipinong malayo sa ospital o kaya ay walang pampa-ospital. Ani Jing, pupunta pa ang program sa iba’t-ibang lugar para maghatid ng libreng serbisyong medikal sa pamilyang Pilipino.
Samahan sina Alvin Elchico, Bernadette Sembrano-Aguinaldo, at Jing Castaneda sa patuloy na paglingkod sa pamilyang Pilipino sa health show ng bayan, “Salamat Dok,” tuwing Sabado ng 6:00 am at Linggo ng 7:30 am sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Sundan ang program sa @ABSCBNsalamatdook sa Facebook at @salamatdok sa Twitter. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.