News Releases

English | Tagalog

Jeff Canoy, wagi sa Cannes at Palanca

September 21, 2018 AT 07:12 PM

ABS-CBN News’ Jeff Canoy wins Palanca, Cannes Awards for his coverage of Marawi

ABS-CBN News correspondent and anchor Jeff Canoy is on a winning streak, nabbing awards from the Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, where he won first prize in the English Essay category, the prestigious Cannes Corporate Media & TV Awards in France, and the Marshall McLuhan fellowship grant.

Pinarangalan rin sa New York at Canada para sa kanyang mga kwento sa Marawi

Tuloy ang pag-ani ng tropeo at parangal ng ABS-CBN News anchor at journalist na si Jeff Canoy sa kanyang paglalahad ng mga pangyayari sa giyera sa Marawi.

Nanalo si Jeff ng first prize sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa kategoryang English Essay para sa sanaysay niyang “’Buhay pa kami’: Dispatches from Marawi,” kung saan ibinahagi niya ang iba’t ibang kwento ng hirap at sakripisyo ng mga sundalo at residente noong kasagsagan ng putukan sa Marawi.

Malaki ang pasasalamat ni Jeff sa parangal ngunit malaki rin daw ang hamon sa kanyang makatulong sa mga tao sa likod ng kanyang mga akda.

“Mas mahalaga parati ‘yung kwento ng mga tao,” sabi ni Jeff.  “Malaking tiwala ang binigay nila sa akin para marinig ang boses nila at matulungan sila ng mas maraming tao.”

Bago ito, nakakuha rin ang kanyang akda ng honorable mention sa Excellence in Explanatory Reporting mula sa Society of Publishers in Asia’s (SOPA) 2018 Awards noong Hunyo.

Samantala, kinilala rin si Jeff bilang Marshall McLuhan fellow, isang parangal na ibinibigay ng embahada ng Canada para sa mga mamamahayag na itinataguyod ang mataas na kalidad ng paghahatid ng balita.

Dadalaw naman si Jeff sa Cannes, France ngayong buwan para tanggapin ang tropeo mula sa prestihiyosong Cannes Corporate Media & TV Awards, na kumikilala sa magagandang dokumentaryo at palabas ng iba’t ibang media.

Kasama rin si Jeff at ang kapwa niya reporter sa ABS-CBN News na si Chiara Zambrano sa dokumentaryong ginawa ng ABS-CBN DocuCentral na “Di Ka Pasisiil” tungkol sa Marawi, na nanalo naman sa 2018 World’s Best Television & Films competition sa New York sa kategoryang Continuing News Coverage noong Abril.

Nagsimula si Jeff bilang intern at production assistant sa ABS-CBN bago naging reporter.  Tinitingala niya bilang mentor ang mga beteranong mamamahayag tulad nina Nadia Trinidad, Jorge Carino, at ABS-CBN Integrated News head Ging Reyes na tumulong humubog sa kanya bilang journalist.

Mapapanood si Jeff bilang host ng “Red Alert” sa ABS-CBN na panalo bilang Best TV Public Service Program sa Golden Dove Awards 2018, at sa “Red Alert sa DZMM” na tungkol din sa paghahanda sa kalamidad at panganib. Napapanood rin siya sa “Umagang Kay Ganda” Lunes hanggang Biyernes ng umaga sa ABS-CBN. Panoorin ang “Red Alert” sa ABS-CBN tuwing Miyerkules ng 9:30 pm sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng “Bandila” sa ABS-CBN. Pakinggan naman ang “Red Alert” sa DZMM tuwing Linggo ng 10 am. Manood online sa iwantv.com.ph o skyondemand.com.ph.

Sundan ang “Red Alert” Facebook (@RedAlertABSCBN) at Twitter (@ABSCBNRedAlert). Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abscbnpr.com.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE