The Kapamilya network has been the choice of Trinitians since 2015, and like in previous years, its programs and personalities went home victorious as well.
“FPJ’s Ang Probinsyano,” tumanggap ng parangal mula sa Trinitians
Sa ika-limang pagkakataon, iginawad ng Trinity University of Asia (TUA) ang Best TV Station award sa ABS-CBN sa ginanap na 2019 Platinum Stallion Media Awards noong Miyerkules (Nobyembre 20).
Tulad sa mga nakaraang taon, umani rin ng parangal ang iba-ibang programa at personalidad mula sa Kapamilya network sa pangunguna ng numero unong programa sa bansa na “FPJ’s Ang Probinsyano” (FPJAP), na binigyan ng Citation for Socially Relevant TV Series.
Tinanghal namang Best Primetime Show ang “The General’s Daughter,” Best Values-Oriented Program ang “Starla,” Best Drama Anthology ang “Maalaala Mo Kaya,” at Best Morning Show naman ang “Umagang Kay Ganda.”
Nagwagi rin ang “ASAP Natin ‘To,” Tonight with Boy Abunda,” at “I Can See Your Voice” na ginawaran ng tropeo bilang Best Variety Show, Best Talk Show, at Best Game Show.
Kinilala rin ng Trinitians ang bida ng “FPJAP” na si Coco Martin bilang Best TV Male Personality, ang “Gandang Gabi Vice” host na si Vice Ganda bilang Best Talk Show Host, at “I Can See Your Voice” host Luis Manzano bilang Best Game Show Host.
Samantala, tinanghal naman bilang Best TV Female Personality ang aktres na si Nadine Lustre habang Best TV Child Personality si Enzo Pelojero ng “Starla.”
Nagbigay pugay rin ang TUA sa DZMM Radyo Patrol reporter na si Dexter Ganibe bilang Outstanding Trinitian Media Practitioner sa larangan ng radyo.
Hindi rin nagpahuli sina DJ Popoy at DJ ChaCha ng MOR 101.9 na pinarangalan bilang Best Male Radio Disc Jockey at Best Female Radio Disc Jockey, kasama ang programang “Usapang De Campanilla,” na tinanghal na Best Radio Public Affairs Program.
Taun-taong isinasagawa ang Platinum Stallion Media Awards para kilalanin ang kontribusyon ng mga indibidwal at grupo sa pagtuturo sa publiko sa pamamagita ng media at sining. Pinipili ang mga pararangalan base sa survey na nilalahukan ng buong komunidad ng TUA kabilang ang mga estudyante, guro, magulang, staff, at alumni ng paaralan.
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.