News Releases

English | Tagalog

"Captain Barbell" at "Gimik:The Reunion" bida sa "Reelive the Classics" ng ABS-CBN Film Restoration

March 15, 2019 AT 12:26 PM

Tampok ang “Captain Barbell” at “Gimik: The Reunion” sa pagbubukas ng two-week long festival ng ABS-CBN Film Restoration na “Reelive the Classics” na tatakbo mula Marso 13 to 26 sa Santolan Town Plaza sa Quezon City.

 

Ipinakikilala muli sa mga manonood ang digitally-restored and remastered na Filipino movie na tungkol sa Pinoy superhero na si “Captain Barbell” ni Mars Ravelo, na pinagbibidahan ng King of Comedy na si Dolphy. 

 

Tampok si Dolphy bilang si Captain Barbell at ang alter-ego nitong si Teng-Teng. Ang naturang 1973 production ay idinerehe ni "Pepe" Wenceslao. Kasama ni Dolphy dito sina Lotis Key, Panchito, Babalu, at sa isang special appearance, ang batang Maricel Soriano.

 

Ibinahagi ng anak ni Mars Ravelo na si Rex na ginawa ng kanyang ama ang "Captain Barbell" para kay Dolphy. 

 

"Mabuting magkaibigan ang tatay ko at si Dolphy. Ginawa ang "Captain Barbell" para sa kanya lamang. Ang Captain Barbell ay spoof lamang ng Captain Marvel. Dapat ay real comedy ito lalo na si Dolphy ang bida pero naging hit siyang superhero film," saad ni Rex

 

Naalala naman ni Ronnie Quizon na kamukha ng kanyang ama ang lahat ng mga karakter ni Ravelo matapos ang pinagsamahang pelikula ng dalawa na "Facifica Falayfay." 

 

Samantala, nagsama-sama muli ang director at crew ng hit 90s movie na “Gimik: The Reunion” noong Marso 14.

 

Masayang-masaya ang direktor ng Pelikula na si Laurenti Dyogi na mapapanood niya muli ang pelikula matapos ang 20 taon. Mas naging espesyal pa ang premiere screening ng kanyang digitally restored at remastered film dahil nagkataon na birthday ni Rico Yan at birthday naman niya noong Marso 12.

 

"Hindi ko na maalala na ginawa ko itong pelikulang ito. Espesyal itong araw na ito dahil kaarawan ni Rico Yan at birthday ko naman noong isang araw. Pinaalala nga ng asawa ko na nagsho-shoot ako ng isang car scene mula sa pelikulang ito noong birthday ko. Excited na ako makita ng buo muli ang film sa unang pagkakataon sa big screen," pagbabahagi ng batikang direktor. 

 

Ang “Gimik: The Reunion,” na nagdiriwang ng ika-dalawampung anibersaryo, ang naging launching pad ng ilan sa unang teen stars ABS-CBN na sina Judy Ann Santos, Rico Yan, Marvin Agustin, Jolina Magdangal, Giselle Toengi, Diether Ocampo, Mylene Dizon, Bojo Molina, Kristine Hermosa, Kathleen Hermosa, Dominic Ochoa, Patrica Ann Roque, Rica Peralajo, at marami pang iba. 

 

Bukod sa nasabing dalawang pelikula mapapanood din sa "Reelive the Classics" ang "One More Chance" nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo, "Sana Maulit Muli" nina Aga Muhlach at Lea Salonga," "Dekada '70," "Banaue," “Karnal,” “Tag-Ulan Sa Tag-Araw,” “Kung Mangarap Ka’t Magising,” “Nasaan Ka Man,” at “Ikaw Pa Lang ang Minahal.”

 

Maaring mapanood ng estudyante ang mga pelikula sa discounted rate na P100 habang sa  regular patrons ay P200.

 

Mahigit 160 pelikula na ang naibalik ng ABS-CBN Film Restoration. An ilan sa mga ito ay naipalabas na sa international film fests, sa red carpet premieres dito sa bansa, naere sa free-to-air at cable television, natunghayan sa pay-per-view at video-on-demand, at nabili sa DVD at na-download maging sa iTunes.

 

Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.