News Releases

English | Tagalog

Mga Pilipino, laging una sa “Magpayo Nga Kayo,” “Sagot Ko ‘Yan,” at “Fastbreak” ng DZMM

May 24, 2019 AT 05:10 PM

Filipinos come first for DZMM’s “Magpayo Nga Kayo” and “Fastbreak” Tandems

The voice of the people is heard loud and clear even on weekends on DZMM, with anchors of programs like “Magpayo Nga Kayo,’ “Sagot Ko ‘Yan,” and “Fastbreak” on board.

Dinig ang boses ng Pilipino maski Sabado at Linggo sa DZMM, sa tulong ng mga anchor ng mga programang “Magpayo Nga Kayo,’ “Sagot Ko ‘Yan,” at “Fastbreak.”

Tuwing Sabado ng 9:30 am, magkasangga ang bigating tandem nina May Valle-Ceniza at Atty. Joey Lina sa pakikinig sa pananaw at suhestyon ng mga ordinaryong Pilipino sa mga isyung malapit sa kanilang puso at nakakaapekto sa kanilang buhay.

Sa kabilang programa ni Joey na “Sagot Ko ‘Yan” tuwing Linggo naman ng 8 am, ineengganyo rin ang mga tagapanood sa DZMM TeleRadyo at tagapakinig sa DZMM Radyo Patrol 630 na makisali sa diskusyon tulad ng sa isang Barangay Hall assembly matapos niyang ipaliwanag at himayin ang isyung tatalakayin.

Katulad nila, pinapahalagahan din ng mga haligi sa sports na sina Freddie Webb at Boyet Sison ang mga nais na makita o marinig ng mga sports fan na tumututok sa kanilang programang “Fastbreak” tuwing Sabado ng 3 pm para sa pinakamainit na balita sa sports, mga ekslusibong panayam, at matinding pagsusuri ng mga kaganapan sa mundo ng sports.

Nagdaos ng isang presscon para sa tatlong programa ang DZMM ngayong araw Mayo 24 sa Novotel Manila Araneta Center para ibalita ang mga bagong aabangan sa programa at upang maghatid rin ng pasasalamat sa katapatan ng mga sumusuporta sa mga programang ito na lahat ay matagal na ring umeere.

Para kay May at Joey, kalakasan ng programa nila ang pagbibigay oportunidad sa karaniwang tao na magbigay ng payo ukol sa mga isyu tulad ng kakulangan sa bigas, pagbaba ng edad ng criminal responsibility, at pagpapabakuna, at nang marinig din sila ng mga kinauukulan.

Ang layunin naman ng “Sagot Ko ‘Yan,” na itinanghal bilang Best Radio Public Affairs Program sa 8th Makatao Awards for Media Excellence, ay pagbuklurin ang mga ordinaryong Pilipino at mga awtoridad upang sila ay magkaroon ng malalim na paguusap kung paano mas mapapabuti ang buhay ng lahat. Tulad nga ng laging sinasabi ng dating senador, kalihim sa gabinete, at gubernador na si Joey sa programa, “Para sa Diyos, Para sa Bayan, Sagot Ko Yan!

Samantala, sa kredibilidad naman nina Freddie, isang alamat sa basketball at dating senador, at ang beteranong sportscaster na si Boyet nakaatang ang tagumpay ng “Fastbreak,” ang 25th Golden Dove Awards’ Best Radio Sports Program. Kilala ang programa sa masasaya at puno ng inspirasyon na mga panayam sa mga Pilipinong atleta at maiinit na talakayan at pagsusuri sa mga kaganapan sa mundo ng sports kasama ang mga eksperto sa palakasan.

Abangan sina May Valle-Ceniza at Atty. Joey Lina sa “Magpayo Nga Kayo” tuwing Sabado ng 9:30 am, sina Freddie Webb at Boyet Sison ng “Fastbreak” tuwing Sabado rin ng 3 pm, at si Joey Lina muli sa “Sagot Ko ‘Yan” tuwing Linggo ng 8 am sa DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM TeleRadyo.

Para sa balita, sundan ang @DZMMTeleRadyo sa Facebook at Twitter o bisitahin ang dzmm.com.ph. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook at Twitter o bisitahin ang abscbnpr.com.