As the whole world faces the COVID-19 pandemic, “The Happinews Project” is ready to spread happiness and positive vibes among Filipinos through uplifting stories in the new online show, “Happinews+” on Facebook, hosted by Gretchen Ho.
Ngayong may pinagdadaanang krisis ang bansa, handog ng “The Happinews Project” ang online show na “Happinews+” kasama si Gretchen Ho na magbibigay saya at pag-asa sa mga Pilipino. Mapapanood na sa Facebook group ng “The Happinews Project” at sa ABS-CBN News Facebook page ang unang tatlong episodes na kapupulutan ng aral at inspirasyon na mahalaga sa panahon ngayon.
Tinalakay ng utak sa likod ng ABS-CBN Christmas at summer station IDs na si ABS-CBN creative communications management head na si Robert Labayen kung paano makukuha ang balanse sa buhay sa bagong normal sa mundo, habang mga tip upang mabawasan ang stress ngayong quarantine ang hatid ng motivational speaker na si Bryson Bonsol. Ikinuwento naman ni Nanay Rhoda Quintos sa ikatlong episode kung bakit niya naisipang gumawa ng mga face mask para sa COVID-19 frontliners, samantalang nagpaunlak ng isang awitin ang Star Magic talent na si Marlo Mortel.
Iba’t ibang bisita ang makakasama ni Gretchen kada-episode upang talakayin kung papaano at bakit dapat manatiling masaya at positibo ngayong enhanced community quarantine (ECQ). Hinihikayat din ng programa ang publiko na magbahagi ng mga kwentong pampasigla at magbibigay inspirasyon sa kapwa-Pilipino.
Ngayong weekend, ibibida naman sa “Happinews+” ang mga bayani sa panahong ito, ang mga COVID-19 frontliner. Kabilang dito ang nars na si Mary Cris Saracanlao na nagpapagaling matapos tamaan ng virus na tampok ngayong Sabado (Mayo 16). Susundan siya ng active youth member at volunteer fireman na si Dale Abugadie sa Linggo (Mayo 17) at ni Dr. Greville Galindon II, isang doktor na nagbabahagi ng kaalaman sa COVID-19 at nagbibigay ng libreng konsultasyon online, sa Lunes (Mayo 18). Unang mapapanood ang mga bagong episode sa ABS-CBN News Facebook page ng 9 am kasunod sa Happinews Facebook page bandang 4 pm.
Inilunsad ng ABS-CBN Integrated News and Current Affairs noong 2018 sa Facebook, libo-libo na ang miyembro ng “The Happinews Project” na tumulak na rin sa iba-ibang kampus upang palaganapin ang pagiging positibo sa buhay at responsableng gamit sa social media kasama ang mga speaker tulad ng reporter na si Jacque Manabat at mga artista sin Bela Padilla at Alex Gonzaga.
Pagaanin ang iyong loob kahit ngayong ECQ at sumali sa Facebook group ng “The Happinews Project” para masubaybayan ang mga bagong episode. Abangan din ang mga Happinews report ni Gretchen sa “TV Patrol.” Para sa pinakahuling balita, i-follow ang @ABSCBNNews sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa news.abs-cbn.com. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abscbnpr.com.