News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, hinirang ng mga manunulat para sa kontribusyon nito sa edukasyon, pelikula, at kultura

August 30, 2020 AT 02:58 PM

Writers honor ABS-CBN for contributions to education, culture, and film

UMPIL honored ABS-CBN with the Gawad Pedro Bucaneg for its contributions in cultivating literary education, literary culture, and appreciation of Philippine cinema

Kapamilya network, wagi ng Gawad Pedro Bucaneg mula sa UMPIL

Iginawad ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) o Writers Union of the Philippines ang Gawad Pedro Bucaneg sa ABS-CBN para sa mga natatanging ambag nito sa edukasyon, paglaganap ng kultura sa pamamagitan ng TV at pelikula, at pagsalba sa mga klasikong pelikulang Pilipino gamit ang makabagong teknolohiya.

Kinilala ng pinakamalaking samahan ng manunulat sa bansa ang mga ginawang inobasyon ng Kapamilya network para sa edukasyon tulad ng mga programang "Sines'kwela," "Mathtinik," "Hiraya Manawari," "Bayani," at "Pahina" na ipinalalabas sa mga pampublikong paaralan.

Binigyang-pugay rin nila ang ABS-CBN sa pagiging "kanlungan" ng maraming manunulat ng soap opera o teleserye. Pinuri rin nila ang pagsisikap ng network na ma-isalba ang mga klasikong pelikulang Pinoy na pinangungunahan ng ABS-CBN Film Archives at ABS-CBN Film Restoration.

"Tinatanggap ng ABS-CBN ang gawad na ito at gagamiting inspirasyon para bumangon, gaano man kahirap," sabi ng senior writer ng ABS-CBN na si Jerry Gracio, na tumanggap ng parangal noong Sabado (Agosto 29) sa online ceremony na ipinalabas sa Facebook page ng UMPIL.

Iginawad ang parangal sa Kapamilya network matapos tanggihan ang renewal ng prangkisa nito noong Hulyo 10. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang ABS-CBN sa pagsusulong nito sa kulturang pampanitikan sa pagpapalabas ng mga programa nito sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live.

Patuloy itong umaagapay sa pag-aaral ng bawat kabataang Pilipino sa tulong ng Knowledge Channel, na naglunsad kamkailan lang ng "School at Home" programming, bilang suporta sa programang alternative distance learning ng gobyerno ngayong pandemya.

Aabot na sa 190 ang peilkulang naisaayos ng ABS-CBN Film Restoration, na naglunsad rin ng webinar ukol sa film restoration kamakailan lang sa pakikipagtulungan ng student-organization na PILAK.

Maliban sa ABS-CBN, ginawaran din ng UMPIL ang mga magagaling na Pilipinong manunulat ng Gawad Pambansang Alagad ni Francisco Balagtas at Gawad Paz Marquez Benitez. Dahil sa kasalukuyang krisis pangkalusugan, idinaos ng unyon ng mga manunulat ang seremonyas online, imbes sa nakagisnang araw ng parangal tuwing Abril o Buwan ng Panitikang Pilipino.

Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.