News Releases

English | Tagalog

Mayroong talento o wala, maghahamunan sa "Versus" ng "It's Showtime"

March 05, 2021 AT 06:05 PM

With or without talent, Pinoys challenge each other in "Versus"

“It’s Showtime” launches new segment

Pagalingan ng pagpapasasaya sa madlang people ang kailangang ipamalas ng contestants sa “Versus,” ang pinakabagong segment ng Kapamilya noontime show na “It’s Showtime” kung saan pwede silang magpakitang gilas at manalo ng papremyo may totoong talento man o wala.

Sa pagsisimula ng linggo, tatlong challengers na may angking talento ang isa-isang pipili mula sa limang mystery acts o “abangers” para hamunin sila sa isang talent showdown sa araw na iyon.

Kailangang magaling pumili ang challenger na kanilang hahamunin dahil maaaring “havey” o totoong may talento ang “abanger” o kaya sila ay “waley” at niloko lang ang madlang people sa kanyang talento.

Nasa kamay naman ng mga hurado ang mananalo sa kumpetisyon dahil pagbobotohan nila ang contestant na mas nagpabilib sa kanila. Sa ngayon, nakaupo bilang mga hurado sina Roxanne Guinoo-Yap at Jerrald Napoles, habang nagpapalitan naman sina Vhong Navarro at Kim Chiu bilang ikatlong judge.

Ang mananalo sa araw na iyon ay mag-uuwi ng P10,000 at uusad sa susunod na round para sa weekly finals kung saan pwede silang manalo ng P20,000, habang magpapaalam na sa kumpetisyon ang kanyang kalaban at mag-uuwi naman ng P5,000.

Makakasali rin sa kumpetisyon ang viewers dahil pwede silang manalo ng P5,000 kapag nag-tweet o nag-comment sila sa Facebook gamit ang official hashtag of the day kasama ang pangalan ng contestant na sa tingin nila ay mananalo para sa araw na iyon.

Sa mga gusto namang makipagtagisan sa “Versus,” magpadala lang ng audition video na may pangalan, address, at contact details sa VersusShowtimePH@gmail.com. Maaaring sumali ang kahit sino na 16 hanggang 55 taong gulang.

Panoorin ang “Versus” sa “It’s Showtime” kada-Lunes, Miyerkules, Biyernes, at Sabado sa A2Z channel sa digital at analog TV. I-scan lang ang digital TV boxes para hanapin ang A2Z channel na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.

Patuloy din napapanood ang “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa), sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.