News Releases

English | Tagalog

Angel at "Iba Yan," ipapakita kung paano gumawa ng eco-friendly uling

May 14, 2021 AT 08:49 PM

Matuto at ma-inspire ngayong Linggo (Mayo 16) sa pagkilala ni Angel at ng “Iba ‘Yan” sa marangal na layunin ng isang grupo ng mga taong may kapansanan—ang paggawa ng eco-friendly uling sa pamamagitan ng charcoal briquetting. 

 

Kilalanin ang adbokasiya ng “Tree's A Life,” isang grupo ng persons with disabilities na patuloy na tinataguyod ang paggawa ng uling mula sa water lilies at iba pang environment-friendly materials. 

 

Isa na dito si Ofemio Rangel, na nahanap ang bokasyon sa buhay nang matutunan ang charcoal briquetting matapos maputulan ng paa sa isang aksidente.   

 

Kapag wala naman siyang order sa eco-uling, gumagawa si Ofemio ng basahang bilog pandagdag kita para sa kanyang pamilya.   

  

Isa rin sa matutunghayan na kwento ngayong weekend ay ang kay Danilo Aquino, isa sa mga pioneer ng samahan. Kahit nabuwag ang nauna nitong sinasalihang grupo, naisipan ni Danilo na ipagpatuloy ang nasimulang adbokasiya ng paggawa ng eco-uling.   

  

Sa ngayon, nagtratrabaho siya sa Person with Disability Affairs Office ng Taguig ngunit sumasama pa rin siya sa paggawa ng eco-uling.   

 

Makikilala rin ng viewers si Relyn Nieva, na na-diagnose ng Stage 2A Breast Cancer noong 2013. Gumaling ito noong 2015 ngunit bumalik din ang sakit noong 2016 at umabot pa sa Stage Four.   

  

Dahil sa suporta ng kanyang pamilya at kaibigan, hindi naman siya pinanghinaan ng loob. Sa kasalukuyan ay unti-unti nang nawawala ang cancer cells sa kanyang katawan at naging Stage 2 muli.   

 

Mas sasaya pa ang episode sa pagsali ni Kitkat sa darating na Linggo. 

 

Alamin ito at kung paano patuloy na matutulungan ang grupo ngayong Linggo sa "Iba 'Yan,” na mapapanood  A2Z, Kapamilya Channel, at Jeepney TV, sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, at sa labas ng Pilipinas sa at The Filipino Channel.