News Releases

English | Tagalog

Walong mang-aawit, magtatapat-tapat sa " "Tawag ng Tanghalan" grand finals sa "It's Showtime"

September 13, 2021 AT 06:13 PM

Nakatakdang magbago ang buhay ng isa sa walong finalist na mula sa iba't ibang panig ng Pilipinas na maglalaban-laban para ika-limang grand finals ng "Tawag ng Tanghalan" sa darating na Sabado (Setyembre 18) sa "It's Showtime." 

Malalaman na sa “Huling Tapatan” mula kina Reiven Umali, Froilan Cedilla, Psalm Manalo, Gem Christian, Adrian Manibale, Anthony Castillo, Lorraine Galvez at Aicia Mallary kung sino ang susunod sa mga yapak nina Noven Belleza, Janine Berdin, and Elaine Duran, at JM Yosures. 

Ang mapalad na bagong kampeon ay mag-uuwi naman ng P1 million, isang brand new house and lot mula sa Camella na nagkakahalagang P2.3 million, isang recording contract with ABS-CBN Music, isang management contract sa ilalim ng Polaris ng Star Magic, at trophy na dinisenyo ni Toym Imao. 

Magtatagisan sa unang round ang walong contestants sa kanilang pag-awit ng kani-kaniyang pangmalakasang awitin. Sa pagtatapos ng nasabing round, ang tatlong makakakuha ng pinakamataas na grado sa mga hurado ang tanging lulusot sa huling round ng kompetisyon. 

Gaya ng nakaraang finals, ang matitirang tatlong finalist ay aawit ng isang medley ng isang artist na kanilang hinahangaan. Kumpara sa naunang round, ang kalahati ng score ng tatlong finalist ay kukunin mula sa boto ng viewers. Sa huli, ang finalist na may pinakamataas na combined scores mula sa hurados at boto mula sa madlang people ang tatanghaling ika-limang "TNT" grand champion. 

Sino kaya sa walang finalists ang magiging bagong kampeon ng "Tawag ng Tanghalan?" 

Huwag palalampasin ang 'Huling Tapatan' ng "Tawag sa Tanghalan" at manood ng “It’s Showtime” sa A2Z channel sa digital at free TV, Kapamilya Channel sa cable at satellite TV, sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel. 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom