News Releases

English | Tagalog

Pelikula nina Charo at Daniel, mapapanood sa KTX.PH

February 01, 2022 AT 02:25 PM

Yayain na ang buong pamilya at panoorin ang ilang 2021 Metro Manila Film Festival (MMFF) entries at huwag palampasin ang inaabangang fan conference nina KD Estrada at Alexa Ilacad ngayong Pebrero sa KTX.PH

 

Matapos magpremiere sa film festivals sa iba't ibang bansa at sa MMFF nitong nakaraang taon, mapapanood na online ang pelikula nina 2021 MMFF Best Actress Charo Santos at Daniel Padilla na "Whether The Weather is Fine" sa KTX.PH simula Pebrero 9 (Linggo) hanggang 13 (Huwebes).

 

Matapos nga hagupitin ng bagyong Yolanda ang Tacloban, makikita sa palabas ang pinagdaanang hirap ng mag-inang sina Norma (Charo) at anak na si Miguel (Daniel) pati ng kaibigan nitong si Andrea (Rans Rifol). Maiipit ang tatlo kung pipiliin nila umalis sa Tacloban o makikipagsapalaran sa Maynila bago hagupitin muli ng isang bagyo.

 

Available na rin sa darating na Pebrero 8 (Sabado) hanggang 13 (Huwebes) ang isang pelikula tungkol sa pinagdadaanan ng mga kabataan ngayong pandemiya na "Love At First Stream." Bida rito ang Rise Artists Studio stars na sina Daniela Stranner, Anthony Jennings, Kaori Oinuma, at Jeremiah Lisbo. Susubukang pasukin ni V (Daniela) ang mundo ng vlogging para sumikat at magkapera sa tulong ng kapitbahay na si Tupe (Anthony) at pinsang si Megumi (Kaori). Alamin ang pagdadaanan nila sa kanyang pagsabak sa isang livestream dating show kasama ang kaklase ni Megumi na si Gino (Jeremiah).

 

Mapapanood ang "Huwag Kang Lalabas" simula Pebrero 9 (Linggo) hanggang 12 (Miyerkules). Bida si Beauty Gonzales sa unang kwento na "Kumbento" kung saan gaganap siya bilang isang baguhang madre na matutuklasan ang mga tinatagong sikreto ng kumbento. Sa pangalawang episode na pinamagatang "Bahay," mag-ina sina Aiko Melendez at Joaquin Domagoso sa isang lugar kung saan sunod-sunod ang   pagkamatay ng mga binatang hindi pa natuli. Si Kim Chiu naman ay gaganap bilang OFW na si Amor sa "Hotel" na piniling mag-quarantine sa isang lumang hotel. Matapos ang ilang araw na pamamalagi, biglang mawawala ang kanyang mga kaibigan.

 

Sa mga interesadong manood, available na ang tickets sa KTX.PH sa halagang P249 kada isang pelikula.

Samantala, huwag palampasin ang kauna-unahang fan conference na "Closer" ng tandem nina "PBB Kumunity Season 10" celebrity housemates na sina KD at Alexa sa Pebrero 26 (Sabado). Matapos nga ang isang oras nang mailabas ang tickets para sa kanilang fancon ay nasold-out agad ang SVIP at VIP nito. Available pa rin naman ang general admission ticket nito sa halagang P199. Panoorin at kiligin sa mga sorpresang hinanda ng dalawa para sa kanilang KDLex fans.

 

Panoorin din muli ang mga concert ni Morissette Amon na  "Phoenix: The Repeat" sa Pebrero 5 (Sabado) at "One Dream: The BINI X BGYO" concert version 2022 sa Pebrero 12 (Sabado) at 13 (Linggo).

 

Sa mga gustong bumili ng ticket at sa mga naghahanap ng karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.ktx.ph. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.