Tuloy tuloy ang pagpapakilig ng "Viral Scandal" stars na sina Karina Bautista at Aljon Mendoza na magtatambal sa unang pagkakataon sa "MMK" bilang sina Theza at John na sinubok ng panahon dahil sa pagkaka-iba ng antas ng kanilang mga buhay.
Ibinahagi nina Karina at Aljon sa digital media conference ng programa kung gaano sila ka-excited at na-pressure na bumida sa "MMK" episode na dati pa nila pinapangarap.
"Naalaala ko noong 2019, nagtwe-tweet pa ang fans na sana magkaroon ang KarJon ng "MMK" episode,” pag-aalala ni Aljon.
"Grateful kami sa dumarating na opportunities sa amin at gagawin namin ang best namin sa bawat project. Mahalaga rin kasi yung friendship na nabuo namin," sabi ni Karina.
Ibinahagi rin ng Kapamilya actress ang saya at pressure na bumida sa MMK." Sa pagpre-prepare ko sa role ko, inaalis ko na mag-overthink," pagbabahagi niya. "Pero nakikita ko si Theza sa sarili ko kaya feel ko makakatulong rin yun as well,” dagdag niya.
Para naman kay Aljon na pangatlong beses nang nakasama sa "MMK," “Kakaibang pressure ang nararamdaman ko. Every episode dapat nag-se-step up ako, nagle-level up yung performance ko. Pero siyempre may kaba pa rin pero mas gusto ko may mapatunayan."
Sa episode, mapapanood si Karina bilang si Theza na lumaki sa mahirap na pamilya at tinutulungan ang inang may postpartum depression. Habang nag-aaral, nagtratrabaho rin siya bilang crew ng pisang fastfood chain kung saan nakilala niya ang mayamang binatang si John (Aljon). Noong una ay nagdalawang-isip siyang papasukin sa buhay niya ang lalake lalo pa at malayo ang estado ng kanilang buhay ngunit kalaunan ay minahal na rin niya.
Sa pagdaan ng taon, naging matagumpay si Theza sa karren ng kanyang buhay at nakapagpatayo ng negosyo. Ngunit habang gumiginhawa na ang kanyang buhay, unti-unti naman lumayo ang loob ni John sa kanya dahil sa insecurities ng lalake.
Paano kaya naayos nina Theza at John ang kanilang pagsasama?
Samantala, sa pagpapatuloy ng ika-30 anibersaryo ng "MMK," huwag palampasin ang "MMK X Viral Scandal Family Kilig Campaign" na parte ng Tulong Tulong sa Pag-Ahon: Isang Daang Araw sa Pagtutulungan ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation para sa mga nasalanta ng bagyong Odette sa Marso 9 (Miyerkules) sa pangunguna ni Charo Santos Concio kasama ang KarJon at iba pang special guests. Buong gabi, sasabak sina Charo, Aljon, at Karina sa isang mala-telethon online. Ilang Kapamilya stars na naging bahagi ng programa ang makikisaya rin sa programa.
Panoorin ang “MMK” sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live YouTube channel, ABS-CBN Entertainment Facebook page, at iWantTFC. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.