News Releases

English | Tagalog

Fr. Tito Caluag hatid ang usapang sibika sa programang "Proyekto Pilipino"

February 04, 2022 AT 02:44 PM

Fr. Tito Caluag leads civic discussion in new show "Proyekto Pilipino"

"Proyekto Pilipino" airs on Jeepney TV every Sunday beginning February 6 at 6 pm.

Bilang gabay sa darating na halalan…
 
Usapang kasaysayan, kultura, at sibika ang pangungunahan ni Fr. Tito Caluag sa bagong programa na “Proyekto Pilipino: Mga Talakayan sa Sibika at Pulitika ni Fr. Tito Caluag at Tropa,” na mapapanood na sa Jeepney TV simula Linggo (Pebrero 6), 6 pm.
 
“Ito ay para ipaliwanag sa kabuuan kung ano ba ang voting process, ano ang kahalagahan nito sa ating democratic space, at ano ang kahalagahan nito sa darating na eleksyon,” ani Fr. Tito na isang professor at spiritual adviser.
 
Makakasama niya sa lingguhang diskusyon ang historians at thinkers na sina Manolo Quezon III, Dr. Leloy Claudio, at Carlo Santiago. Si Manolo ay isang TV host, writer, at dating Undersecretary ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office. Isa namang cultural historian, awtor, at professor sa UC Berkeley si Leloy na naging host ng Rappler video series na “Basagan ng Trip.” Si Carlo ay isa ring manunulat, entrepreneur at miyembro ng Anastacio Institute, isang non-profit organization na nakatutok sa pang-unawa at appreciation ng karanasang Pinoy sa pamamagitan ng pagkukwento.
Isang public affairs program na ginawa katulong ang Conscience Collective, ang “Proyekto Pilipino” ay magtatampok sa kwentuhan tungkol sa mahahalagang kaganapan sa kasaysayan at mga kasalukuyang isyu para magtulak sa pang-unawa at tulungan ang mga Pilipino na mapag-isipang mabuti ang kanilang karapatan at obligasyon sa darating na halalan. Isa ring non-profit organization ang Conscience Collective na binuo nina Fr. Tito, Manolo, Leloy, at Carlo na nagsusulong ng transformative change gabay ang kamalayan ng konsiyensiya sa pamamagitan ng iba’t ibang proyekto at partnership.
Tampok sa unang episode ng “Proyekto Pilipino” ang usapin sa halaga ng pagboto ng mga kabataan, overview sa proseso ng botohan, at baliktanaw sa mga nangyari noong 2021 pantungo sa magaganap hanggang Mayo.
Pag-uusapan naman sa mga susunod na episode ang papel at responsibilidad ng pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas, mga senador, at Congress representatives, at pati na rin ang iba pang mga lokal na posisyon. Tatalakayin din nila Fr. Tito ang mahalagang papel ng media sa halalan at kung paano nakakatulong ang pananampalataya at moralidad pagdating sa politika.
 
Mapapanood ang “Proyekto Pilipino” sa Jeepney TV (SKYcable channel 9, GSAT channel 55, at Cignal channel 44) tuwing Linggo, 6 pm at may replay tuwing Lunes, 6:30 am. Ipapalabas din ito sa SKY cable tuwing Biyernes, 7 pm at tuwing Sabado at Linggo, 3 pm. Tampok din ang programa sa Conscience Collective Philippines YouTube channel tuwing Huwebes, 7 pm.
 
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.