Patuloy na umaarangkada ang mga teleserye ng ABS-CBN sa iba't ibang dako ng mundo ngayong 2022. Kabilang na rito ang "Bagong Umaga" at "Asintado" sa Africa at "La Vida Lena" at "Huwag Kang Mangamba" sa Myanmar.
Tulad ng "FPJ's Ang Probinsyano," "Sandugo," "La Luna Sangre," at iba pa, palabas din sa StarTimes channel ang "Bagong Umaga," na kilala rin bilang "New Beginnings" sa 41 na bansa sa Africa, kabilang ang Kenya, Ghana, at Madagascar.
Pinagbidahan nina Heaven Peralejo, Tony Labrusca, Barbie Imperial, Michelle Vito, Yves Flores, at Kiko Estrada, sinasalamin ng programa ang mga hamon ng anim na indibidwal sa kanilang buhay pag-ibig at pamilya.
Palabas din sa Africa ang action-drama series na "Asintado" nina Julia Montes, Shaina Magdayao, Aljur Abrenica, at Paulo Avelino, na sinubaybayan ang kwento ng magkaibang buhay ng nawalay na magkapatid na sina Juliana (Julia) at Samantha (Shaina).
Matapos pag-usapan at kumalap ng mataas na ratings ang programa sa ART channel ng La Réunion, pinalabas din ito sa Ivory Coast sa RTI 2 channel.
Ipapalabas naman ang primetime teleserye na "La Vida Lena," na may pamagat na "Maya Galeisar," sa Fortune TV ng Myanmar na ipinalabas kasabay ng huling linggo nito sa Pilipinas.
Pinangungunahan nina Erich Gonzales, JC de Vera, Kit Thompson, Carlo Aquino, Sofia Andres, Agot Isidro, Janice de Belen, at Raymond Bagatsing, tinunghayan gabi-gabi ng madla ang paghihiganti ni Magda/Lena (Erich) sa mga Narciso matapos sirain ang kanyang pamilya nang dahil sa negosyong sabon.
Samantala, katatapos lang sa Fortune TV ng teleseryeng "Huwag Kang Mangamba" o kilala sa Myanmar bilang "Sann Kyae Thaww Kan Kyamar." Pinagbidahan ng Gold Squad nina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Kyle Echarri, at Seth Fedelin, tampok sa programa ang kanilang misyon na buhayin muli ang pananampalataya sa Diyos ng mga taga-Hermoso.
Maliban sa Africa at Asya, kilala rin sa iba pang dako ng mundo ang mga programa ng ABS-CBN, tulad ng 2015 version ng "Pangako Sa'Yo" sa Ecuador, Peru, at Dominican Republic, Turkish adaptation ng teleseryeng "Hanggang Saan," at marami pang iba.
Bisitahin lamang ang https://www.abs-cbn.com/internationalsales/about para sa karagdagang detalye patungkol sa ABS-CBN International Distribution.