News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN pinangalanang Most Outstanding Facebook Page sa Gawad Lasallianeta

February 09, 2022 AT 03:23 PM

Kinilala ang pagkakaroon ng ABS-CBN ng pinakamaimpluwensyang Facebook page sa bansa matapos itong pangalanang Most Outstanding Facebook Page kamakailan sa 4th Gawad Lasallianeta ng De La Salle Araneta University (DLSAU).

 

ABS-CBN ang most followed Facebook page sa Pilipinas na may 32.7 milyong followers. Dito, nananatiling updated ang fans sa mga paborito nilang stars at projects, nabibigyan ng pagkakataon ang fans na makabalitaktakan ang isa’t isa, at napapanood ang highlights ng iba’t ibang Kapamilya shows. Nagpapalabas din dito ng livestreaming ng ABS-CBN shows sa pamamagitan ng Kapamilya Online Live.

 

“Nagpapasalamat kami sa buong DLSAU community at sa lahat ng mga Kapamilyang patuloy na nanonood at tumatangkilik sa aming content sa Facebook at iba pang digital platforms. Ibinabahagi ng aming mga social media team, digital content creator, at iba’t ibang grupo sa ABS-CBN ang pagkilalang ito sa inyong lahat. Patuloy kaming maghahanap ng mga paraan para maabot ang aming mga Kapamilya at makapaglingkod sa mga Pilipino,” pahayag ni Richard Reynante, ang digital content publishing head ng ABS-CBN.

 

“Ang layunin namin sa ABS-CBN ay ang makagawa ng content na papatok at magbibigay ng saya sa mga manonood, nasa Facebook man sila o nasaan man sa mundo. Mula sa aming mga puso, maraming salamat, mga Kapamilya,” sabi ni Krishka Ramos, ang social media content publishing head ng ABS-CBN.

 

Noong 2020, ang Facebook ng ABS-CBN ang pinakaunang nakakuha ng 20 milyong likes sa Pilipinas.

 

Ang pangunguna ng ABS-CBN sa Facebook ay patunay ng unti-unting pag-transition ng ABS-CBN sa pagiging isang digital company na may pinakamalawak na online presence at pinakamadaming digital properties na pinapanood ng marami.

 

Ginanap ang The 4th Gawad Lasallianeta noong Miyerkules (Pebrero 2) sa pagdiriwang ng DLSAU ng ika-76 na anibersaryo nito. Layunin nitong bigyang pagkilala ang pinaka-epektibo at maimpluwensyang personalidad at palabas sa media at social media sa bansa. Pinili ang mga nanalo sa pamamagitan ng isang university-wide online survey na nilahukan ng DLSAU admin staff, faculty members, mga magulang, at mag-aaral.

 

Para makakuha ng updates tungkol sa ABS-CBN, i-like o i-follow ang facebook.com/ABSCBNnetwork. Sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, o TikTok at bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.