News Releases

English | Tagalog

Kaila, bibigyang buhay ang kwento ni Karen Bordador sa "MMK"

March 08, 2022 AT 06:55 PM

Pinakamalaking dagok na sa buhay na naranasan ng dating "PBB Kumunity Season 10" celebrity housemate na si Karen Bordador ang mabilanggo sa krimeng hindi niya ginawa. Dala ng pananampalataya sa Diyos, hindi bumitiw si Karen at handa na siyang ikwento ang kanyang buhay sa pagganap ni Kaila Estrada sa kanya sa two-part International Women’s month special ng "MMK"  ngayong Marso 12 (Sabado) at 19 (Sabado). 

 

Natupad ang panagarap ni Karen na maibahagi ang kwento ng buhay niya.  Aniya, "Hindi ako makapaniwala na maibabahagi ko na yung kwento ko Para sa kaalamanan niyo, fan ako ng "MMK." Sa loob ng kulungan pinanonood ko yan every Saturday at pinag-uusapan at pinapangrap na maging parte rin kami nito balang araw," 

 

"Marami kasi diyan na kahit wala sa kulungan ay parang nakakulong ang sarili sa kanilang mga isip. Gusto ko lang ibahagi ang nangyari sa akin limang taon ng nakalipas at tignan nila kung nasaan sila, hindi hamak na nasa mas maayos silang lugar. Sana mapalaya natin ang isa't isa," dagdag niya. 

 

Para naman kay Kaila na gaganap bilang Karen, napahanga siya sa tibay ng loob at pagiging positibo ni Karen sa kabila ng kanyang pinagdaanan. 

 

"Siya yung sumisimbolo ng pagiging matatag na kababaihan para sa akin. Hindi ko ma-imagine na pagdaanan yung nangyari sa kanya. Pero yung maging positibo siya at may fighting spirit na labanan lahat ng ibato sa kanya ay sobrang nakakainspire talaga. Yung natutunan ko rito ay palaging may light at the end of the tunnel. Nahanap niya yung purpose niya at nakatulong pa siya sa iba at kanyang sarili sa gitna ng kanyang pinagdaanan," she said.

 

Naging dating contestant ng "I Do" na si Karen at nagtratrabaho bilang isang DJ. Bumaligtad ang kanyang kapalaran nang bisitahin niya ang kanyang boyfriend.  Ilang segundo pa lang siya nakatuntong sa condo unit ng kanyang katipan ay nilusob at inaresto sila ng mga pulis kaugnay ng isang drug buy-bust operation. 

 

Dahil dito, tuluyang gumuho ang kanyang buhay. Nabahiran na rin ang magandang reputasyon  Hindi biro ang pinagdaanan ni Karen bago siya inabswelto ng korte. 

 

Alamin kung paano niya napanatili ang pananampalataya sa Diyos at nabuksan ang kanyang mata na hanapin ang maliliit na biyaya sa kanyang pamamalagi sa kulungan. 

Idinerehe ni Raz dela Torre, makakasama ni Kaila sina Karen, Lou Yanong, at Shamaine Buencamino. 

  

Panoorin ang “MMK” sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live YouTube channel, ABS-CBN Entertainment Facebook page, at iWantTFC. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.