News Releases

English | Tagalog

Knowledge Channel, nagsagawa ng new normal training program para sa mga guro sa Dumaguete City

September 01, 2022 AT 06:18 PM

Knowledge Channel trains teachers in Dumaguete to be tech-savvy for today's blended learning setup

The first leg was rolled out to teachers in Dumaguete City in partnership with the Schools Division Office of Dumaguete

Kaisa ang Huawei at BDO Foundation
 
Kaisa ang Huawei Technologies at BDO Foundation, isinagawa ng Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI) ang unang bahagi ng training program nitong "Knowledge Channel Teaching in the New Normal 3" sa mga guro sa Dumaguete City, sa pakikipag-ugnayan sa Schools Division Office of Dumaguete (SDO Dumaguete).
 
Layunin ng training program na makatulong sa mga guro at principal mula sa iba't ibang pampublikong eskwelahan sa buong bansa para mas mapabuti pa ang pagtuturo sa mga estudyante ngayong pandemya.  
 
Ilan sa dumalo sa unang yugto ng three-day online training program, na ginanap mula Agosto 17 hanggang 19, ang mga guro at opisyal mula sa Babajuba Elementary School, Balugo Elementary School, Cadawinonan Elementary School, Camanjac Elementary School, Candau-Ay Elementary School, Cantil-E Elementary School, Hermenegilda Flores Gloria Memorial Elementary School, Magsaysay Memorial Elementary School, North City Elementary School, at South City Elementary School.
 
Pinasinayaan ng president at executive director ng KCFI na si Rina Lopez, kasama ang BDO Foundation president Mario Deriquito at superintendent ng SDO Dumaguete na si Dr. Gregorio Cyrus Elejorde ang pagsisimula ng programa. Nagsilbi rin bilang resource person ang KCFI director of operations na si Edric Calma, kasabay ang ilan pang kawani ng Department of Education (DepEd) at Knowledge Channel.
 
Ilan sa mga tinalakay sa training program ang kahalagahan ng technology-based learning katuwang ang mga materyales mula Knowledge Channel, wastong paggamit ng Knowledge Channel Portable Media Library (KC PML), paggawa ng mga lesson plan, stakeholder engagement, pag-alam sa mga palatuntunan ng DepEd sa blended learning, at ang pagtaguyod ng positive learning experience para sa mga estudyante ngayong new normal.
 
Karagdagan pa rito, namahagi rin ang KCFI sa mga lumahok na paaralan ng libreng KC PML units, na makapagbibigay access sa video lessons, e-games, e-session guides, at iba pang materyales ng Knowledge Channel kahit na walang internet.
 
Ilang guro at mga school official ng Dumaguete City ang nagpasalamat sa pagkakataong mapabilang sa training event na ito. Isa na rito ang punong-guro ng South City Elementary School na si Noel Bayno. Aniya, labis na nakatulong ang programang ito sa kanilang pagtuturo sa kabila ng mga hadlang ng new normal learning setup ngayong kabubukas muli ng panibagong school year.
 
Sa mga paaralang nais mapasama sa three-day training program na ito, mag e-mail lamang sa info@knowledgechannel.org. 
 
Para sa karagdagang educational materials at mga updates patungkol sa Knowledge Channel, bisitahin lamang ang knowledgechannel.org o magtungo lamang sa Facebook page at YouTube channel (youtube.com/knowledgechannelorg) nito.