Itinanghal bilang "Idol Philippines" Season 2 grand winner si Khimo Gumatay matapos makakuha ng total combined judges' scores at public votes na 89% sa 'The Final Showdown' ng pinakamalaking talent reality competition ng bansa nitong Linggo (Setyembre 18).
Nabighani niya ang viewers at judges na sina Gary Valenciano, Regine Velasquez, Moira dela Torre, at Chito Miranda at naungusan sina Ryssi Avila na nakakuha ng 49.38% at Kice na may 45.77%.
Tila naging advance birthday gift ang kanyang pagkapanalo dahil sa Setyembre 24 (Sabado) ay ipinagdiriwang na niya ang ika-23 taong kaarawan. Bilang 'Idol PH' grand winner, nanalo siya ng P1 million cash, isang brand new house and lot mula sa Camella na nagkakahalagang P2 million, isang recording contract with ABS-CBN Music, at isang full franchise package mula sa Dermacare Face, Body, and Laser Center na nagkakahalagang P3 million.
Hindi man nanguna sa combined scores ng judges at Uplivers si Khimo sa kanyang performance na "You're The One" ni Shania Twain noong Sabado (Setyembre 17) ay sinigurado naman niya ang kanyang pagkapanalo sa dalawang rounds ng kompetisyon noong Linggo (Setyembre 18).
Inawit niya sa unang round ang "Bagong Simula" para balikan ang mga pinagdaanan niya sa kompetisyon at sa kanyang buhay at ipinaramdam naman niyang dapat siyang manalo sa kanyang pagkanta ng original song na ginawa ng "ASAP" singer na si Jeremy Glinoga sa kanya na "My Time."
Bukod naman sa tagisan ng bosesan ng Top 3, nagbigay-aliw ang performance ng Unkabogable at Phenomenal star na si Vice Ganda na "Pearly Shells" sa live audience at netizens. Nagbigay din siya ng mensahe sa grand winner ng kompetisyon pati na sa iba pang hopefuls.
"Sa mananalo pati na sa lahat ng mga sumali nagsimula naman na ang inyong singing career, tapangan niyo. Kasi maraming talented pero hindi lahat matapang kaya bumigay agad. Sa napakaraming haharapin ninyo, hindi easy ang showbiz. Hindi ito easy money. Ang dami mong isasakripisyo dito kaya tapangan niyo," pagbabahagi niya.
Pinag-usapan at back-to-back top trending din worldwide ang hashtags ng episodes nitong weekend na#IdolPH2TheFinalShowdown at #IdolPH2GrandWinner.
Ang lahat ng orihinal na kanta ng Top 6 na "My Time" ni Khimo, "Totoo Na 'To" ni Ryssi, "Angels" ni Kice, "Sa Wakas" ni Bryan Chong, "Power" ni Ann Raniel, at "Ang Pinakaiibigin" ni Delly Cuales ay available na sa Spotify at iba pang music platforms.