News Releases

English | Tagalog

Mga Pinoy abroad, mae-enjoy ang ABS-CBN shows live at on-demand

July 21, 2023 AT 05:07 PM

Kapamilya Online Live available sa iba’t ibang bansa sa Asya!

Kahit nasa labas ng bansa, pwede pa ring tutukan ang paboritong ABS-CBN shows sa Kapamilya Online Live sa YouTube, kung saan sabay na ang livestreaming sa Pilipinas at sa ilang bahagi ng Asya. 

Sabay-sabay nang makakanood ng livestreaming ng latest episodes ng mga piling programa ang mga Kapamilya sa iba’t ibang bansa sa Asya tulad ng Japan, Singapore, Hong Kong, Taiwan, Malaysia, South Korea, Thailand, Macao, Indonesia, at Vietnam. Sa mga gustong magcatch-up sa panonood, pwede rin mag-unli-replay sa Kapamilya Online Live ng hanggang 14 araw.

Sama-samang kiligin, umiyak, at ma-excite sa pinakahuling episodes ng Primetime Bida sa “FPJ’s Batang Quiapo,” “The Iron Heart,” at “Dirty Linen.” Pwede ring makisaya at makitawa kasama ang madlang people sa “It’s Showtime,” pati na rin sa “ASAP Natin ‘To.”

Hindi na rin mahuhuli sa premiere ng pinakabagong noontime shows ng ABS-CBN at TV5 para sa kanilang kauna-unahang co-production deal. Simula Hulyo 25, mapapanood na ang “Pira-Pirasong Paraiso” tampok sina Loisa Andalio, Charlie Dizon, Alexa Ilacad, at Elisse Joson, at ang “Nag-aapoy Na Damdamin” na pinagbibidahan naman nina Tony Labrusca, Ria Atayde, JC De Vera, at Jane Oineza. 

Bukod sa bago at kasalukuyang umeereng mga palabas, masusubaybayan din araw-araw ang pinakabagong news updates sa Pilipinas sa pamamagitan ng ABS-CBN News programs. 

Para naman sa mga gustong balikan ang pinakaminahal na mga Kapamilya teleserye, nasa Kapamilya Online Live rin ang mga palabas tulad ng “Be Careful with My Heart” “Ang Sa Iyo Ay Akin,” “Los Bastardos,” “A Soldier's Heart,” at marami pang iba. 

Bukod sa livestreaming, pwede ring makipagkwentuhan sa Kapamilya Online Live ang netizens sa mga kababayan sa ibang bansa gamit ang live chat section.

Tuloy-tuloy ang panonood ng Kapamilya Online Live sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment na mayroong 44.2 milyong subscribers – ang pinakamarami sa Southeast Asia.

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.