Darren Espanto is a proud Kapamilya after he signed an exclusive contract with ABS-CBN.
D’ total performer proud maging Kapamilya
Malugod na pumirma ng eksklusibong kontrata sa ABS-CBN ang D’ total performer at homegrown Kapamilya singer na si Darren Espanto sa ginanap na “Keep Shining: The Darren Espanto Network Contract Signing” event.
“This is something that I never would’ve imagine kasi s’yempre bilang bata po pangarap ko lang ‘to, nakikita ko yung mga artista dati na may sini-sign silang kontrata tapos ngayon isa na po ako sa mga artists na iyon. It’s very surreal to me,” saad niya.
Pinasalamatan ni Darren sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak, ABS-CBN COO of broadcast Cory Vidanes, ABS-CBN head of TV production at Star Magic head Laurenti Dyogi, at kanyang Star Magic handler na si Edith Farinas na dumalo sa naganap na contract signing event.
“Maraming salamat po sa tiwala po ninyo throughout all these years. It means a lot to me that you trusted me with these projects,” aniya.
Kung bibigyan niya ng payo ang batang bersyon ng kanyang sarili, ibinilin ni Darren ang kahalagahan ng hindi pagsuko sa pag-abot sa mga pangarap.
“Be ready for this rollercoaster ride of a journey. It’s not always going to be ups, there's going to be downs. May mga pagsubok kang pagdadaanan pero s’yempre pangarap natin ‘to so you just have to fight through it, wag kang susuko,” kwento niya.
Pagkatapos niyang magwagi bilang first runner-up sa “The Voice Kids” season 1, naging isa na si Darren sa pinaka-tinitingalang mang-aawit ng kanyang henerasyon. Nakapaglabas na siya ng dalawang studio albums na “Darren” at “Be With Me” na parehong naging platinum at ilan sa kanyang hit singles ay ang “In Love Ako Sayo,” “7 Minutes,” at “Stuck.”
Pinatutunayan din ng kasalukuyang “ASAP Natin ‘To” host ang pagiging total performer sa pagsabak niya sa akting sa blockbuster film na “The Hows of Us” at sa iWantTFC original series na “Lyric and Beat.” Nagsilbi rin siya bilang isa sa mga hurado ng “Tawag ng Tanghalan” season 6.