News Releases

English | Tagalog

Jillian Pamat ng Kamp Kawayan, wagi bilang grand champion ng 'The Voice Teens' Season 3

May 21, 2024 AT 07:23 AM

Kamp Kawayan's Jillian Pamat hailed as grand champion of 'The Voice Teens' Season 3

As grand champion, Jillian will take home a recording and management contract from Universal Music Group (UMG) Philippines, plus P1 million courtesy of ABS-CBN Studios

Nag-abot din ng pasasalamat ang mga bumuo ng 'The Voice Philippines' sa loob ng 10 season

Hinirang bilang grand champion ng "The Voice Teens" Season 3 ang singing kontesera ng Bukidnon na si Jillian Pamat ng Kamp Kawayan sa katatapos lang na live Final Showdown nitong Sabado at Linggo (May 18–19).

Ipinamalas ni Jillian ang kanyang husay sa kanyang final performances, kabilang ang kanyang duet act ng "Tatsulok" kasama si Coach Bamboo, rendisyon ng Sarah Geronimo hit na "Ikot-Ikot," at ballad twist ng 1994 rock classic "Tag-Ulan."

Matapos nito ay itinanghal siyang kampeon nang makahakot ng pinakamataas na audience votes with 53.09%. Sumunod sa kanya ang MarTeam hopeful na si Steph Lacuata na may 24.99% at third naman ang Team Supreme artist na si Yen Victoria na nakakuha ng 21.91%.

Labis ang pasasalamat ni Jillian sa mga sumuporta sa kanyang "The Voice Teens" journey. Aniya, "Unang-una po, thank you very much Lord sa talentong ipinagkaloob Mo po sa akin. Sa lahat ng mga naniniwala at sumuporta sa akin sa journey ko po sa 'The Voice,' maraming salamat po sa inyo. Ma, Pa, thank you very much po at sa lahat ng taong bumoto, si Lord na po ang bahala sa inyo. Maraming salamat po talaga!"

Samantala, pinuri naman ni Coach Bamboo si Jillian at sinabing karapat-dapat siyang tanghaling kampeon ng kompetisyon.

"I expected it because she put the work in. Gusto ko rin sabihin na maraming salamat sa lahat ng sumuporta sa kanya. She's a very deserving champion. I have such a talented and beautiful spirit here with me. I'm forever thankful for her and this moment," saad niya.

Nakatanggap din si Bamboo ng special recognition mula sa "The Voice Philippines" bilang isa sa mainstay coaches ng reality singing competition magmula 2013.

Bilang grand champion, mag-uuwi si Jillian ng recording at management contract mula sa Universal Music Group (UMG) Philippines, pati P1 milyon mula naman sa ABS-CBN Studios.

Kahilera na rin ni Jillian sina Jona Marie Soquite ng Season 1, at Heart Salvador, Cydel Gabutero, Isang Manlapaz, and Kendra Aguirre ng Season 2 bilang co-champions ng "The Voice Teens."

Matapos ang 10 season, nakadiskubre at nakapag-prodyus ng world-class Pinoy singers ang ABS-CBN adaptation ng "The Voice," kung saan nakilala sina Lyca Gairanod, Darren Espanto, JK Labajo, Elha Nympha, Kyle Echarri, Mitoy Yonting, Jason Dy, Klarisse de Guzman, Morissette Amon, Moira dela Torre, at iba pa.

Lubos ding nagpasalamat ang hosts nito na sina Robi Domingo at Bianca Gonzalez sa mga bumubuo ng programa, mula sa staff, dating coaches nitong sina Sarah Geronimo, Lea Salonga, Apl.de.ap, at Sharon Cuneta, pati mga nagdaan nitong host na sina Luis Manzano, Alex and Toni Gonzaga, Yeng Constantino, at Kim Chiu, kabilang din ang "DigiTV" presenters na sina Jeremy G at Lorraine Galvez.

Balikan ang grand finals tapatan nina Jillian, Steph, at Yen sa "The Voice Teens Philippines" Facebook page at YouTube channel. Mapapanood din ito nang libre sa iWantTFC sa website nitong iwanttfc.com o sa official app na available sa iOS at Android.

Para sa iba pang Kapamilya updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom