Robi Domingo pasok na sa Hall of Fame
Nag-uwi ng 29 parangal ang ABS-CBN, kabilang ang Hall of Fame na pagkilala para kay Robi Domingo, sa 2025 Anak TV Awards na ginanap kamakailan.
Wagi ang “It’s Showtime,” “Rainbow Rumble,” “Goin’ Bulilit,” “Pilipinas Got Talent Season 7,” at “My Puhunan: Kaya Mo!” ng Anak TV Seal para sa kanilang programang angkop sa mga bata.
Tinanggap naman ng “TV Patrol” at “Superbook” ang Network Television Favorite Program na pagkilala, habang kinilala naman ang “Patrol ng Pilipino” na Network Online Child-Friendly Program.
Nailuklok si award-winning host Robi Domingo sa Anak TV Hall of Fame matapos nitong manalo ng Makabata Star ng pitong taon. “This Hall of Fame award is not just a milestone, it is a challenge. A challenge to be there to tell stories that uplift, use my voice for good, and to remain a positive influence for the youth who will one day shape our country,” saad niya.
Samantala, pinangalanan sina Belle Mariano, Donny Pangilinan, BINI Aiah Arceta, Darren Espanto, Joshua Garcia, at Melai Cantiveros-Francisco bilang Makabata Stars para sa pagiging mabuting halimbawa sa kabataan.
Sina beteranong actor Albert Martinez, Alexa Ilacad, Anji Salvacion, Bianca de Vera, BINI, BGYO, Brent Manalo, Christian Bables, Donny Pangilinan, Fyang Smith, JM Ibarra, Kai Montinola, Kyle Echarri, at Rain Celmar naman ay kinilalang Net Makabata awardees.
“Napaka-espesyal para sa amin ang magwagi ang Anak TV Award. Itong mga parangal na ito ay hindi lang basta mga tropeyo, ito ay mula sa mga pamilyang Pilipino. Kayo po ang dahilan kung bakit patuloy kaming gumagawa ng mga makabuluhang kwento,” saad ni ABS-CBN vice president for Corporate Communications Kane Errol Choa.
Ang Anak TV awards ay mula sa Anak TV, isang organisasyon na nagtataguyod ng mga palabas at programang angkop sa mga batang Pilipino. Ang Anak TV Seal ay nagsisilbing gabay ng mga magulang na ang programang kanilang pinapanood ay angkop sa kanilang mga anak. Ang Makabata Star na parangal ay iginagawad sa mga personalidad na nakakuha ng mataas na boto sa mga symposia sa mga paaralan na pinangunahan ng Anak TV. Ang Net Makabata na parangal naman ay base sa resulta ng online voting mula 14-18 Nobyembre, kung saan ibinoto ng netizens ang mga personalidad na nagsisilbing mabuting ehemplo sa mga kabataan.
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.


























