News Releases

English | Tagalog

"FPJ's Batang Quiapo," nagtala ng back-to-back online viewership records

February 20, 2025 AT 10:58 AM

"FPJ's Batang Quiapo" breaks live online viewership record for two consecutive nights

The February 19 episode soared to a new all-time high of 852,417 peak concurrent views on Kapamilya Online Live on YouTube

Pagpapahiya kay David, pinagpiyestahan!

Back-to-back episodes ang record-breaking online views ng “FPJ’s Batang Quiapo,” matapos itong magtala ng 852,417 peak concurrent views o sabay-sabay na nanonood nang live sa Kapamilya Online Live sa YouTube kagabi (Pebrero 19).

Tinutukan sa naturang episode ang matagal nang inaabangang pambubuko at pagpapahiya kay David (McCoy De Leon), isa sa mga pinaka-pinanggigilang kontrabida sa telebisyon. Sa harapan mismo ng pinaka-iniidolo niyang tatay na si Rigor (John Estrada), walang prenong ibinulgar ni Marites (Cherry Pie Picache) ang lahat ng panlolokong ginawa ni David bilang pekeng Tanggol (Coco Martin) upang maangkin ang buong kayamanan ng mga Montenegro.

Samantala, kinapitan din ng mga manonood ang salpukan nina Tanggol at David noong Pebrero 18 kung saan nagtala ang episode ng 818,949 peak concurrent views. Nakatikim na rin si David ng karma niya nang maiwan itong bugbog-sarado kay Tanggol matapos nitong malaman na ninakaw ni David ang kanyang pagkatao.

Ang dami pang aabangan na maaaksyong kaganapan sa mga susunod na episode, at isa na rito ay ang tapatan ng mga mortal na magkaaway dahil susugod sina Ramon (Christopher De Leon) at Tanggol sa Quiapo para maghiganti sa mag-amang David at Rigor.

Nitong Pebrero 13, ipinagdiwang ng “FPJ’s Batang Quiapo” ang ikalawang anibersaryo ng serye. Malapit na rin makilala ang mga bagong karakter sa serye na mapapanood gabi-gabi.

Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live. Available ang latest episodes nito sa loob ng 21 na araw matapos silang unang ipalabas sa Kapamilya Online Live sa YouTube. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para makanood sa TV5 at A2Z. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.