Abangan ang bagong season ng "TNT" simula ngayong Lunes...
Nakuha na sa wakas ni Marko Rudio ang titulo bilang bagong kampeon ng "TNT All Star Grand Resbak matapos ang pangalawa niyang subok sa Huling Tapatan noong Sabado (Abril 26).
Napagtagumpayan nga ni Marko makuha ang pinakamataas na combined score mula sa hurados at boto sa madlang people na 96.15% at tinalo ang kapwa finalists na sina Ian Manibale na nakakuha ng 92.80% at Charizze Arnigo na nakakuha ng 89.55%
Pinabilib nga ng singer mula sa pangkat Agimat ang mga hurado at madlang people dahil sa pasabog niyang SB19 medley.
Sina Ogie Alcasid, Regine Velasquez Alcasid, Lani Misalucha, Zsa Zsa Padilla, Pops Fernandez, Marco Sison, Bituin Escalante, Nyon Volante, SB19 Pablo and Stell, at Louie Ocampo nga ang nagsilbing hurado para sa nasabing Huling Tapatan.
Bilang bagong grand champion, nag-uwi siya ng P1 milyon, isang ABS-CBN Music recording contract, isang management contract sa ilalim ng Star Magic, at espesyal na tropeyo. Samantala, nakakuha naman si Ian ng ₱250,000 at nanalo rin si Charizze ng ₱100,000.
Nauna ngang natanggal sa finals sina Ayegee Paredes, Raven Heyres, at Rachel Gabreza matapos makakuha ng pinakamababa na average combined scores mula sa kani-kanilang solo performances.
Libo-libong Pilipino naman ang tumutok sa pagkapanalo ni Marko kaya naman nakapasok ang #SB19OnItsShowtime, #Marko, #TNTGrandResbakRoadToFinale, #Charizze, #IanManibale, at #Raven sa listahan ng trending topics sa X. Nagtrending din worldwide ang SB19 at si Marko habang nakakuha rin ang nasabing Huling Tapatan ng higit 450,000 peak concurrent views.
Abangan simula Lunes (Abril 28) ang pagpapakitang gilas ng mga nangangarap maging singer sa bagong season ng "Tawag ng Tanghalan."
Makisaya sa buong pamilya ng “It’s Showtime,” 12 NN mula Lunes hanggang Sabado, sa GMA, A2Z, Kapamilya Channel,Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel. Huwag din palampasin ang "Showtime Online U" sa YouTube channel ng "It's Showtime."
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.