Sino kaya sa natitirang mga kalahok ang susunod na papasok sa grand finals?
Patuloy ang pag-angat ng Pinoy pride sa entablado ng “Pilipinas Got Talent” Season 7, matapos masungkit nina Cardong Trumpo at NDDU GNRLS ang kanilang pwesto sa grand finals nitong Linggo (Hunyo 8).
Nakapasok si Cardong Trumpo sa grand finals matapos mangibabaw sa online voting sa pamamagitan ng kanyang kakaibang galing sa trumpo tricks. Umabot sa 92.11% ng boto ang kanyang nakuha dahil sa kanyang mahusay na performance na nagpaiyak hindi lang sa kanya, kundi pati na rin sa mga hurado.
“Kilala kita. Kilala ko ang mukha mo. Ikaw ang mukha ng Pilipino, nagsusumikap at hindi sumusuko. Ginagamit ang regalo at ang talento. Hindi gumagawa ng masama. Pinaikot-ikot mo ang trumpo, handa ka na bang umikot ang buhay mo?” ani Eugene Domingo.
Samantala, pumangalawa naman sa botohan ang NDDU GNRLS matapos ang isang nakakamanghang dance act na may kasamang light effects tampok ang “Liwanag Sa Dilim” ng Rivermaya. Nakakuha sila ng 3.40% na online votes.
Sa botohan ng mga hurado, pinili nina Eugene at Kathryn Bernardo ang NDDU GNRLS, habang pinaboran naman nina Freddie “FMG” M. Garcia at Donny Pangilinan si Esay Kirstin, na naghandog ng isang pasabog na rock rendition ng "Unchained Melody" at pumangatlo sa online voting na may 2.13%. Dahil sa tie, ang NDDU GNRLS, na pumangalawa sa online votes, ang opisyal na itinanghal na bagong grand finalist.
Kasama na sina Cardong Trumpo at NDDU GNRLS sa hanay ng mga grand finalists ng “PGT” Season 7 kasama sina Ody Sto. Domingo, Femme MNL, JB Bangcaya, at Jessie J.
Sino naman kaya sa natitirang mga kalahok ang aabante sa grand finals, na gaganapin ngayong Hunyo 21 at 22 sa The Theater, Solaire Resort sa Parañaque City, at magkakaroon ng tsansang manalo ng ₱2 milyon?
Alamin sa huling semifinals episode ng “Pilipinas Got Talent” Season 7, tuwing Sabado’t Linggo, 7:15 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z. Mapapanood din ito sa TV5 tuwing Sabado ng 7:15 PM at Linggo ng 7:45 PM.
Huwag kalimutang i-follow ang @abscbnpgt sa Facebook, X, Instagram, at TikTok para sa higit pang updates.
Para sa mga update, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.