Gerald makes his acting comeback with a new crime drama titled "Sins of the Father" premiering this June 23.
Jessy, Shaina, FranSeth, JC, RK, at iba pa, kasama sa powerhouse cast
Mapapanood na ang action-drama royalty na si Gerald Anderson sa kanyang pinaka-inaabangang comeback teleserye pagkatapos ng tatlong taon, ang bagong crime thriller ng ABS-CBN na “Sins of the Father,” simula Hunyo 23 (Lunes), 9:30 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5, iWant, at TFC.
Gagampanan niya ang papel ng isang tao na maiipit sa magulong mundo ng scamming, isang karanasan na kinakaharap ng maraming Pilipino ngayon.
Ayon sa aktor na nagdiriwang ng kanyang ika-19 taon sa showbiz, swak ang teleserye sa kanyang personal advocacy na mamili ng mga proyekto na magpapalaganap ng kamalayan sa mga manonood.
“Lagi kong nirerequest sa ABS na pag may proyekto ako ay sana may social awareness at sana may mapupulot na aral yung mga tao pag pinanood nila because maraming distractions these days. We have scamming, we have social media, everything,” ani Gerald.
Comeback teleserye din ng aktres na si Jessy Mendiola ang “Sins of the Father” pagkatapos ng anim na taon at excited siyang makasama muli si Gerald na una niyang nakatambal mahigit isang dekada na ang nakakaraan sa “Budoy” na ipinalabas taong 2011.
“Natutuwa ako kasi no’ng last ko siyang nakatrabaho ang babata pa namin. Andami nang nangyari sa mga buhay namin and I’m just really happy to be working with Gerald again,” sabi ni Jessy.
Iikot ang “Sins of the Father” sa kwento ni Samuel Trinidad (Gerald) na isang bank manager na guguho ang mundo pagkatapos mamatay ang kanyang ama na sangkot sa isang pangmalakihang scam.
Buong suporta naman ang ibinigay ni Direk FM Reyes sa pagnanais ni Gerald na makapaghatid ng napapanahong teleserye para sa mga manonood.
Sabi niya, “Hindi naman kaila na that’s what’s been happening sa hirap ng buhay, maraming manloloko, and I think malaking ginagampanan no’n yung request ni Gerald na gagawa po ako ng project na may social relevance. His concern for the society is not just for showbizness. During moments of disasters you can see him saving people. It comes out naturally.”
Samantala, ayon sa co-direktor ng programa na si Direk Bjoy Balagtas, sariwa at nakaka-intrigang kwento ang hatid ng bagong Kapamilya teleserye.
“It’s somehow a person’s journey to correct the sins of the past, the sins of the father, and how he can change his today and also the future of his family,” paliwanag ni Direk Bjoy.
Makakasama nina Gerald at Jessy sa star-studded series sina Shaina Magdayao, Francine Diaz, Seth Fedelin, JC De Vera, RK Bagatsing, Lotlot de Leon, John Arcilla, Joko Diaz, at Tirso Cruz III.
Kabilang din sa cast sina Soliman Cruz, Malou Crisologo, Nico Antonio, Jerald Napoles, Alex Medina, JV Kapunan, LA Santos, Jeremiah Lisbo, Elyson De Dios, Clave Sun, at Cailey Magno.
Binuo ang “Sins Of The Father” ng JRB Creative Production sa ilalim ng business unit head nito na si Julie Anne R. Benitez. Kabilang din sa bumubuo ng programa ang head writer na si Cenon Palomares at creative head na si Dindo Perez.
Mapapanood na ang programa sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, TV5, iWantTFC, at TFC simula Hunyo 23 (Lunes), 9:30 PM. Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang JRB Creative Production sa Facebook, X (Twitter) (@JRBcreativeprod), Instagram (@JRBcreativeproduction), at TikTok (@jrbcreativeprod).
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at Tiktok o bisitahin ang https://corporate.abs-cbn.com/newsroom/news-releases.