News Releases

English | Tagalog

Lella Ford at Caprice Cayetano, itinanghal na big winners sa "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0"

February 28, 2026 AT 10:15 PM

Panibagong yugto sa makasaysayang collab ng Kapamilya at Kapuso

Idineklara si Lella Ford bilang Kapamilya Big Winner, habang si Caprice Cayetano naman ang kinilalang Kapuso Big Winner sa ginanap na Big Night ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” noong Sabado (Pebrero 28).

Ang pagtatapos ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” ay nagmamarka ng panibagong milestone sa patuloy na kolaborasyon ng ABS-CBN at GMA Network sa paglikha ng makabuluhang mga proyekto.

Kinilala bilang “Ang Blooming Bunso ng Tacloban”, nanguna ang Kapamilya housemate na si Lella Ford matapos makakuha ng 53.63% ng kabuuang public votes. Samantala, ang Kapuso housemate na si Caprice Cayetano, na inilarawan bilang “Ang Demure Daughter ng Quezon City,” ay nakakuha naman ng 61.78%. Parehas sina Lella at Caprice na tatanggap ng ₱1 milyon na cash prize.

Matapos ang nangyaring anunsyo, hindi sinayang ng dalawang Big Winners ang pagkakataon para mapasalamatan ang kanilang mga tagasuporta at pamilya na umalalay sa kanila sa buong kompetisyon.

Ang Second Big Placers na sina Kapamilya housemate Krystal Mejes at Kapuso housemate Heath Jornales ay nakakuha ng 22.26% at 24.25% ng kabuuang mga boto at tatanggap ng tig-₱500,000. Samantala, sina Kapamilya housemate Joaquin Arce at Kapuso housemate Ashley Sarmiento ay pumuwesto sa ikatlong puwesto na may 16.95% at 8.47%, at makakatanggap ng tig-₱300,000. Nagtapos naman sa ikaapat na puwesto sina Kapamilya housemate Miguel Vergara at Kapuso housemate Princess Aaliyah na may 7.16% at 5.50%, at tatanggap ng tig-₱200,000.

Nasaksihan din sa Big Night ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” ang makasaysayang pangalawang kolaborasyon ng ABS-CBN at GMA Network sa pamamagitan ng espesyal na performances ng mga artista sa bawat network gaya nina BGYO, Cloud 7, “Pinoy Big Brother Gen 11” JM Ibarra, Fyang Smith, at Kai Montinola, “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition Season 1” Charlie Fleming, at Kyle Echarri.

Nagsilbi bilang hosts ng Big Night sina Luis Manzano, Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Gabbi Garcia, Melai Cantiveros-Francisco, Alexa Ilacad, at Mavy Legaspi. 

Maaari naman muling mapanood ng viewers ang highlights ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” sa official YouTube channel ng “Pinoy Big Brother” at sa iWant.

Para sa iba pang updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, X, Instagram, TikTok, at Threads, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 8 PHOTOS FROM THIS ARTICLE