Bagong online podcast ng ABS-CBN, napapanood sa YouTube at Facebook
Hatid ng ABS-CBN ang walang prenong chikahan at opinyon ng mga celebrity tungkol sa maiinit at napapanahong isyu sa bagong online podcast na “Hot Takes.”
Tampok sa digital show ang mas malalim na pananaw ng mga celebrity sa totoo nilang karanasan sa industriya ng showbiz. Napapanood ito sa ABS-CBN Entertainment YouTube at Facebook page kasama ang hosts na sina PUSH editor-in-chief Gary Ann Lastrilla at digital head of social media for publishing Krish Ramos.
Patok agad ang naturang podcast matapos umabot sa higit isang milyong views ang parehong episodes nina JM Ibarra at Fyang Smith, at ni Kai Montinola. Sa isang episode, ibinida ng dating “Pinoy Big Brother Gen 11” housemates na sina JMFyang ang kanilang realisasyon pagdating sa mga reality show, habang ibinahagi ni Kai ang kanyang opinyon pagdating sa love team culture sa bansa.
Matapang namang hinarap nina Kapamilya stars Sofia Andres at Charlie Dizon ang mga usapin tungkol sa double standards na nararanasan ng mga babaeng artista, habang naglabas ng hugot ang content creator na si Daniel Laudit, o mas kilala bilang Mentor Daniel, pagdating sa mga kapwa-influencer na nagbabahagi ng kanilang opinyon tungkol sa mga isyu.
Mas marami pang prangkang diskusyon ang mapapanood sa mga susunod na episode kasama sina Jake Cuenca, ang certified matchmaker na si Coach Vee, influencer na si JinHo Bae, at marami pang iba.
Makisaya sa mainit na chikahan sa “Hot Takes” tuwing Huwebes ng 9 AM sa ABS-CBN Entertainment YouTube, ang most subscribed media and entertainment channel sa Southeast Asia, at sa ABS-CBN Facebook page.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.





