News Releases

English | Tagalog

“Coco Martin’s Sigabo,” nangungunang TV show sa iWant

July 29, 2026 AT 09:21 PM

Coco, huhuntingin si Edu!

 

 

Nananatiling top TV show sa iWant ang “Coco Martin’s Sigabo” kasabay ng tumitinding kwento nito dahil sisimulan na ni Coco Martin ang paghahanap sa karakter ni Edu Manzano na matagal na palang may atraso sa kanilang pamilya. 

Dahil sa labis na pagmamahal sa kanyang pamilya, buong tapang na nangako si Gabo (Coco) na gagawin niya ang lahat upang matunton si Ricardo (Edu)—ang dating kaibigan ng kanyang ama na si Rudy (Joey Marquez) na may kinalaman pala sa pagpatay sa nanay ni Gabo.

Sa pinakahuling episode, nabigyang-linaw ang masalimuot na nakaraan ng pamilya ni Gabo dahil ipinakita kung paano yumaman noong kabataan si Rudy, na ginagampanan ni Zanjoe Marudo, nang mahanap niya ang nawawalang ginto. Ngunit walang natira sa kanya ni isang kusing nang gantihan siya ni Ricardo at nakawin ang lahat ng kayamanan mula sa kanya.

Sa pagbunyag ng nakaraan ni Gabo, hindi naman maitago ang saya ni Zanjoe sa pagganap niya bilang batang bersyon ni Rudy sa serye dahil alam niyang tinututukan talaga ng mga Pilipino ang mga teleserye na gawa ni Coco.

“Alam naman natin na kapag teleserye ni Coco Martin laging inaabangan lalo na ng Pilipinong masa dahil syempre idolo nila pagdating sa aksyon at pagdating din sa mga romance at nakakakilig na eksena,” kwento ni Zanjoe sa exclusive interview na inilabas ng CCM Film Productions.

Dapat naman abangan ang umaatikabong aksyon sa susunod na mga episode dahil tuloy-tuloy na ang mga misyon ni Gabo, habang sasabak din si NCIA agent Sam (Julia Montes) sa matinding bakbakan laban sa makapangyarihan na pamilya Zafra.

Tutukan ang mga maaksyong tagpo sa “Coco Martin’s Sigabo” gabi-gabi mula Lunes hanggang Biyernes, 8 PM sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at iWant. Napapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para makakuha ng updates sa “Coco Martin’s Sigabo,” bisitahin ang sigabo.abs-cbn.com. Para sa iba pang updates sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE