News Releases

English | Tagalog

Maja Salvador, kauna-unahang best actress sa 1st Asia Contents Awards

October 07, 2019 AT 11:28 AM


Isang karangalan ang binigay ni Maja Salavdor sa bansa matapos manalo bilang kauna-unahang Best Actress for drama sa unang Asia Contents Awards na ginanap sa Busan, South Korea, para sa kanyang pagganap sa karakter na Lily Cruz at Ivy Aguas sa teleseryeng “Wildflower.” 
Tumatak sa manonood ang pagganap ni Maja bilang isang matapang na babae na nais ipaghiganti ang kamatayan ng kanyang mga magulang at labanan ang opresyon ng pamilyang Adriente.
Si Maja ang nag-iisang Pilipino na nag-uwi ng award at ang kanyang show ang natatanaging mga nominado mula sa Pilipinas. Ang “Wildflower” ay nakakuha rin ng nominasyon sa Best Drama category.  
 
Nakipagtagisan ang “Wildflower” sa iba’t ibang Asian TV series mula South Korea, China, Japan, Hong Kong, Taiwan, Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Brunei, Vietnam, Laos, Myanmar, at Cambodia.
 
Kinilala ng 1st Asia Contents Awards ang pinakamahusay na mga TV drama na pinalabas sa Asya nitong huling limang taon. Ito ay inilunsad ng kilalang film festival na Busan International Film Festival at Asian Film Market, ang taunang film market na ginaganap sa South Korea.
 
Palabas na ang “Wildflower” sa mga bansang New Caledonia, Polynesia, at Reunion Islands, matapos magsanib pwersa ang ABS-CBN at Ampersand fiction, isang French content distributor. Ngayong Oktubre naman, ipapalabas na rin ito sa Madagascar dahil sa partnership ng ABS-CBN at Startimes, na distributor sa nasabing bansa.
 
Naging malakas sa ratings ang “Wildflower” sa Philippine primetime TV nang ipalabas ito. Ang bida nito na si Ivy Aguas/Lily Cruz ay kinilala sa pagiging simbolo ng lakas ng kababaihan sa lipunan.