News Releases

English | Tagalog

Ging Reyes at Robert Labayen ng ABS-CBN, pasok sa Grand Jury ng New York Festivals

March 06, 2019 AT 11:00 AM

ABS-CBN execs Ging Reyes, Robert Labayen represent PH in NY Festivals Grand Jury

From being previous winners at the New York Festivals (NYF), ABS-CBN executives Ging Reyes and Robert Labayen are taking on new roles in the prestigious contest as members of the 2019 Grand Jury for the NYF Television & Film Competition.

ABS-CBN, may mga pambato uli sa NY Festivals…

Mula sa pag-uwi ng tropeo sa prestihiyosong New York Festivals (NYF), kasama na ngayon ang dalawang ehekutibo ng ABS-CBN na sina Ging Reyes at Robert Labayen sa mga huhusga sa mga kalahok bilang miyembro ng 2019 Grand Jury ng NYF Television & Film Competition.
 
Kabilang sina Reyes, ang pinuno ng ABS-CBN Integrated News & Current Affairs, at Labayen, na namumuno naman sa ABS-CBN Integrated Creative Communications Management (CCM), sa mahigit 180 na premyadong eksperto sa media sa mundo na titingin at kikilatis sa mga entry sa NYF. Bukod diyan, kasama rin si Reyes sa 19 na lider sa media sa mundo na niluklok sa 2019 NYF Advisory Board.
 
Mahigit 30 taon ang karanasan ni Reyes sa larangang ng pamamahayag. Una siyang pumasok sa ABS-CBN noong 1986 bilang production assistant at umangat sa ranggo bilang executive producer at head writer ng tinitingalang news program na "The World Tonight." Sa naglaon, nagsilbi rin siyang direktor ng news production at gumawa ng pangalan sa Filipino news community sa Amerika bilang bureau chief ng ABS-CBN North America. Sa kanyang pangunguna, napalawig ang operasyon ng ABS-CBN sa US at Canada.
 
Samantala, isang alamat naman sa mundo ng advertising si Labayen, na mahigit dalawang dekada ang ginugol sa industriyang ito bago lumipat sa ABS-CBN noong 2004 para pamunuan ang CCM. Nagsimula siya bilang copywriter hanggang sa maging managing partner at executive creative director. Naging pangulo rin siya ng Creative Guild of the Philippines. Isang manunulat, pintor, at komposer ng kanta, kilala rin si Labayen bilang utak at puso sa likod ng mga station ID ng Kapamilya network tulad ng “Bro, Ikaw ang Star ng Pasko” at ang “Family Is Love” ng 2018. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakailang award na ang CCM sa NYF at Promax-BDA, at iba pa.
 
Pagkatapos mag-uwi ng tatlong medalya – isang ginto, isang pilak, at isang tanso  - noong 2018, tatlong medalya uli ang minamata ng ABS-CBN sa NYF. Nominado ang
current affairs program na “Mission Possible” para sa  episode nitong  “Kapit Lang Anak” sa Best Public Affairs Program category. Tungkol ito sa inang si Elsa Badilla, isang single mother na nabubulag na sa glaucoma, at ang kanyang anak na si Sarah, na mayroon namang Down Syndrome.  Kasama ang anchor na si Julius Babao, nakita ng mga manonood kung paano nila itinatawid ang bawat araw sa pamamagitan ng pagmamahal at pagtulong sa isa’t isa sa kabila ng mga karamdaman nila.
 
Finalist din ang television plug ng CCM para sa episode na ito na pinamagatan ding “Elsa and Sarah” sa Station/Image Promotion category. Tumanggap din ng nominasyon ang  “Local Legends” ng ABS-CBN DocuCentral sa Biography/Profiles category para sa episode nitong “Karne Norte,” na ibinida ang mga gumagawa ng tradisyunal na corned beef sa Masbate.

Kinikilala ng  New York Festival’s World’s Best TV & Films competition ang mga programa at palabas mula sa higit 50 na bansa na ipinapakita ang mga pangyayari sa mundo at nagsisilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon.

Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa abscbnpr.com.
 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE