ABS-CBN Foundation’s Sagip Kapamilya has gone to different provinces hit by Typhoon Rolly to bring comfort to families through food and relief packs.
Mga pamilya sa Bicol at Southern Tagalog, tumanggap ng relief packs
Umiikot na sa iba-ibang probinsya ang Sagip Kapamilya ng ABS-CBN Foundation para magdala ng pagkain at relief packs sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Rolly.
Sa tulong ng mga donor at partner, 1,000 food packs na ang naihatid sa Brgy. Puro at Penaranda sa Legazpi, Albay habang 533 pamilya naman ang nabigyan ng relief bags sa Brgy. Gapo sa Camalig, Albay.
Nakadaan na rin ang Sagip Kapamilya sa Brgy. Travesia sa Guinobatan, Albay, kung saan 265 pamilyang bakwit sa Travesia Elementary School ang naabutan ng relief goods. Nag-iwan din ng mga gamot ang grupo sa Barangay Health Center doon.
Ayon sa magsasakang si Solomon Octavo, isa sa mga nakaligtas sa Guinobatan, labis ang paghihirap nila dahil tinabunan ng baha at lahar mula sa Bulkang Mayon ang tahanan at taniman niya.
“Magmula noong lumaki ako, ngayon lang ako nakaranas ng ganitong nangyari. Ang sinalba lang namin, buhay namin," aniya sa isang panayam ng ABS-CBN News.
Bukod sa mga probinsya sa Bikol kabilang ang Catanduanes, nakarating na rin ang relief operations ng Sagip Kapamilya sa Southern Tagalog, na malubha rin ang tinamong pinsala dulot ng bagyo.
Sa Aurora, 494 pamilya ang tumanggap ng food packs habang 1,990 individuals naman ang nahainan ng mainit na pagkain habang nananatili pa sila sa Dingalan National High School at Mega evacuation centers. Bago pa bumuhos si Rolly, nandoon na ang Sagip Kapamilya para magbahagi ng pagkain sa mga bakwit. Tutungo rin ito pa-Batangas at Oriental Mindoro.
Ayon kay Jen Santos, ang director for operations ng ABS-CBN Foundation, marami naman ang nagpaabot ng intensyon nilang mag-donate o tumulong, kwento niya sa ABS-CBN News.
Gayunpaman, dama nila ang kawalan ng ABS-CBN Regional, na itinigil na ang operasyon dahil sa hindi pagbigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN. Ani Santos, ang mga kawani sa mga regional station ang siyang unang rumeresponde upang maghatid ng relief goods tuwing may kalamidad.
Narito ang iba’t ibang paraan upang makatulong:
https://bit.ly/3ecoeD0. Para sa ibang impormasyon, bumisita sa
abs-cbnfoundation.com, o i-follow ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook. Para sa updates, sundan ang ABS-CBNPR (@abscbnpr) sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa
www.abs-cbn.com/newsroom.