News Releases

English | Tagalog

“Tulong-Tulong sa Pag-ahon" ng ABS-CBN Sagip Kapamilya, maghahatid ng liwanag sa mga biktima ng bagyo

November 24, 2020 AT 03:38 PM

ABS-CBN Sagip Kapamilya calls for solidarity, launches “Tulong-Tulong sa Pag-ahon” campaign for typhoon victims

Just like the bayanihan spirit shown by Filipinos in previous calamities, ABS-CBN hopes to inspire the nation to unite once again to help families rise from the destruction caused by Typhoons Quinta, Rolly, Siony, Tonyo, and Ulysses.

Para sa mga pamilyang nasalanta ng sunod-sunod na bagyo

Sa ating munting paraan, bawat Pilipino ay kayang magdala ng liwanag at pag-asa sa buhay ng ating mga kababayang nasalanta ng bagyo. Ito ang mensahe ng kampanyang “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon” ng ABS-CBN Foundation – Sagip Kapamilya na inilunsad noong Biyernes (Nobyembre 20) sa “TV Patrol.”

Tulad ng bayanihang nasaksihan sa mga dumaang kalamidad sa bansa, muling nananawagan ang ABS-CBN sa sambayanang Pilipino na magkaisa para sa pagbangon ng mga nawalan ng kabuhayan at tahanan dahil sa sunod-sunod na bagyo kamakailan lang.

Maaaring tumulong sa pamamagitan ng donasyon sa Sagip Kapamilya na ipambibili ng pagkain at iba-ibang pangangailangan ng mga pamilya, o mga in-kind donation tulad ng bigas, de lata, tubig, kumot, at hygiene kits.

Tinatayang nasa 800,000 pamilya ang lubhang naapektuhan ng pananalasa ng mga bagyong Quinta, Rolly, Siony, Tonyo, at Ulysses sa iba-ibang parte ng bansa. Marami sa kanila ang nananatili sa mga evacuation center habang unti-unting binubuo muli ang kanilang mga tahanan.

Patuloy naman ang Sagip Kapamilya at ang ABS-CBN News Public Service team sa paghahatid ng relief packs at mainit na pagkain sa kanila. Sa suporta ng mga donor at partner sa pribadong sektor at gobyerno, nakapagdala na sila ng ayuda sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses sa Aurora, Batangas, Bulacan, Cagayan, Isabela, Marikina, Pampanga, Rizal, at sa evacuation centers sa Quezon City at Makati. Noong Nobyembre 23, umabot na sa 19,263 na pamilya ang nabigyan ng relief packs at 104,476 katao naman ang nahainan ng mainit na pagkain.

Para naman sa Bagyong Rolly, dumayo rin ang grupo sa Albay, Aurora, Batangas, Camarines Sur, Catanduanes, Nueva Ecija, Oriental Mindoro, at Quezon kung saan 19,549 na pamilya na rin ang naabutan ng relief goods at 5,190 indibidwal ang napawi ang gutom sa tulong ng mobile kitchen.

Upang mapalawig pa ang relief operations at mas marami pang mapagsilbihang Pilipino, mas paiigtingin pa ng Sagip Kapamilya ang pangangalap ng donasyon sa tulong ng ABS-CBN. Ayon kay ABS-CBN Foundation managing director Susan Afan, buong pwersa ng ABS-CBN ang kasama nila sa misyong maghatid ng liwanag sa kabila ng dilim, pangamba, at kalungkutang dulot ng mga kalamidad at ng pandemya. Ilang mga aktibidad ang nakahanda para sa “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon” mula sa iba-ibang dibisyon ng ABS-CBN.

“Bago pa man natin inilunsad ang ‘Tulong-Tulong sa Pag-Ahon,’ nakita na natin kung paano sinuportahan ng mga artista, programa, at plataporma ng ABS-CBN ang aming fund-raising efforts. Lubos kaming nagpapasalamat dahil sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap ng ABS-CBN dahil sa pandemya at sa non-renewal ng franchise ay nananaig pa rin ang ating malasakit at pagmamahal sa ating kapwa,” pahayag niya.

Sa ngayon, maaaring magpadala ng donasyon sa mga sumusunod na bank accounts ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc.: BPI Peso Account 4221-0000-27 (Swift Code: BOPIPHMM) at BDO Peso Account 0039302-14711 (Swift Code: BNORPHMM). Maaari ring mag-donate sa pamamagitan ng GCash at PayMaya. Para naman sa mga nais mag-donate ng de lata, bottled water, bigas, kumot, at iba pa, maaaring tumawag sa numerong 3411-4995 para malaman ang drop-off point na malapit sa inyong lugar.

Para sa iba pang impormasyon, bumisita sa abs-cbnfoundation.com, o i-follow ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook.