The Kapamilya network was among the organizations recognized for upholding values-oriented advertising campaigns in the recent awarding ceremony, which aired last February 23 on Sunday’s Best on ABS-CBN.
Siyam na panalo ang naitala ng ABS-CBN sa 11th Araw Values Awards para sa mga kampanya nito sa TV na may dalang positibong mensahe at mga kwentong puno ng inspirasyon.
Isa ang Kapamilya network sa mga organisasyong pinarangalan ng Advertising Foundation of the Philippines sa ginanap na awarding kamakailan lang, na ipinalabas noong Pebrero 23 sa Sunday’s Best ng ABS-CBN.
Nanguna sa mga nagwagi ang TV spot na “Pamilya Garcia is Love” tungkol sa magkakapatid na sundalo na lumaban noong Marawi siege. Ipinakita rito ang pag-uwi nila upang sorpresahin ang kanilang ina, na pumukaw sa damdamin ng mga manonood. Platinum Award ang nakuha ng nasabing plug, na bahagi ng “Family is Love” Christmas campaign ng network.
Gold Award naman ang nakuha ng “One Love, One Pinas” Independence Day campaign na humimok sa mga Pilipino na ipalaganap ang magagandang bagay tungkol sa bansa. Silver Awards naman ang natanggap ng mga kampanya para sa “Halalan 2019,” “Galing Natin Ito,” at “Tipid Tubig”
Kahalagahan ng katotohanan, katapatan, at integridad ang mensahe ng “Halalan 2019.” Pagpupugay sa husay ng mga Pilipino sa buong mundo ang pokus ng “Galing Natin Ito,” at tamang pagharap sa krisis sa tubig naman ang tinalakay ng “Tipid Tubig.”
Pinaralangan din ng Silver Awards ang kwento ng tagumpay ng huwarang ama na si Rudy Gaspillo, at ang istorya ni Nanay Dolores na nangangalaga sa mga bata sa kalye para naman sa ika-30 na anibersaryo ng “TV Patrol.”
Bronze Awards naman ang nauwi ng 2018 Christmas station ID na “Family is Love” at ng Mother’s Day plug tungkol sa pagmamahalan ng mag-inang sina Elsa at Sarah.
Gawa ng ABS-CBN Creative Communications Management (CCM) division sa ilalim ni Robert Labayen ang lahat ng kampanyang ito.
Samantala, binigyan rin ng parangal ang yumaong chairperson ng ABS-CBN Foundation na si Gina Lopez. Hinirang siyang “Tanglaw ng ARAW ng Kalikasan” para sa kanyang kontribusyon sa pangangalaga sa ating kalikasan.
Layunin ng Araw Values Awards na palaganapin ang mga positibong kaugalian ng Pilipino para sa pagbabago ng lipunan at ikauunlad ng bansa.
Para sa updates, i-follow ang ABS-CBN PR (@abscbnpr) sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bumisita sa abs-cbn.com/newsroom.