ABS-CBN News continues its stellar run in international competitions after eight of its documentaries on pressing issues and inspiring Filipinos made it as finalists in the 2020 New York (NY) Festivals TV & Film Awards.
Patuloy na gumagawa ng ingay ang ABS-CBN News sa mga kompetisyon sa labas ng bansa matapos makakuha ng walong nominasyon ang mga makabuluhang dokumentaryo nito sa 2020 New York (NY) Festivals TV & Film Awards.
Anim sa walong finalist ang likha ng ABS-CBN DocuCentral, kabilang ang “HIV Rising” ni Korina Sanchez Roxas tungkol sa tumataas na kaso ng HIV sa Pilipinas, at ang “Invisible” na tumalakay naman sa mga isyu sa usaping mental health.
Nominado rin ang “Ang Babae ng Balangiga” tungkol sa bayani ng Balangiga na si Casiana Nacionales, ang “Tao Po” ng "#NoFilter" tampok ang isang ina at kanyang anak na may espesyal na pangangailangan, at ang "Tigdas" ng naka-hiatus na "Red Alert," tungkol naman sa epekto ng sakit na ito lalo na sa mga bata. Ang tatlong ito ay gawa ni Jeff Canoy, na nagwagi na dati ng NY Festivals Gold World Medal award.
Muli ring napansin ang “Local Legends,” isang dokyu serye na gawa rin ng DocuCentral at nanalo na sa NY Festivals. Finalists ang mga episode nito tungkol kay Ric Obenza, na inaalay ang buhay sa pangangalaga sa mga kagubatan sa Davao, at tungkol sa kinikilalang ama ng Philippine glass sculpture na si Ramon Orlina.
Kumukumpleto sa mga nominado mula sa ABS-CBN News ngayong taon ang dokumentaryong “Alab (Ablaze),” isa pang likha ng DocuCentral. Tungkol ito sa katapangan at pagkakaisa ng mga Pilipinong bombero.
Iaanunsyo ang mga panalo sa 2020 NY Festivals TV & Film Awards sa darating na ika-21 ng Abril ngayong taon sa Las Vegas, Nevada, USA. Tulad ng nakaraang taon, naimbitahan muli sina ABS-CBN Integrated News head Ging Reyes at ABS-CBN Integrated Creative Communications head Robert Labayen na mapabilang sa Grand Jury na siyang pipili ng mananalo sa mga finalist mula sa buong mundo, habang kabilang din si Reyes sa Advisory Board ng kompetisyon.
Manood ng de-kalidad at pinarangalang mga dokumentaryo sa ABS-CBN, ANC, DZMM TeleRadyo, at iWant. Sundan ang @DocuCentral sa Facebook at Twitter para sa balita sa mga dokumentaryo ng ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Instagram, at Twitter o bumisita sa abscbnpr.com.