Iginiit ni ABS-CBN general counsel Mario Bautista na ang 50 taong limitasyon sa mga prangkisa na nakasaad sa Saligang Batas ay para sa bawat prangkisang binibigay ng Kongreso, at hindi ang bilang ng taong pwedeng patakbuhin ang isang kumpanya.
“The 50-year limit applies to each franchise, certificate of authorization, and does not prohibit the grant of a new franchise to the same entity. Hence, Congress may grant several franchises to the same public utility. Wala pong pagbabawal dito. ‘Yun po ang fair reading of the provision as it is written,”pahayag ni Bautista sa pagdinig ng Kongreso sa franchise renewal ng network noong Miyerkules (Hunyo 17).
Ayon kay Bautista, nakasaad sa Article XII, Section 11 ng 1987 Constitution na walang prangkisa ang maaaring ibigay na lalagpas ng higit sa 50 taon.
Sinabi rin ng Department of Justice na maaaring magbigay ng prangkisa ang Kongreso basta hindi ito lalampas sa 50 taon.
Ayon pa kay Justice Assistant Secretary Nicholas Ty, pwedeng bigyan ng isa pang prangkisa ang isang kumpanya kapag napaso na ito.
“Congress can once again issue a franchise to the same applicant, the same grantee. Tulad ng sinabi ni Atty. Bautista ng ABS-CBN, ang 50-year limitation under the Constitution pertains to the franchise itself and not to the grantee,” pahayag ni Ty.
Dagdag niya, “Congress can issue multiple franchises that collectively exceed 50 years as long as the individual franchises do not exceed 50 years.”
Samantala, iniisa-isa ni Bautista ang mga kumpanyang higit sa 50 taon nang nago-operate na binigyan ng bagong prangkisa ng Kongreso, kagaya ng PLDT, Inc. (100 years), Meralco (126 years), Visayas Electric Company (102 years), Philippine Airlines (93 years), Davao Light and Power Company (95 years), GMA Network (70 years), IBC Philippines (62 years), at TV5 (62 years).
“Kapag ang finding po ng Kongreso ay kailangan 50 years lang ang operation ng isang public utility, lahat po itong korporasyon na aking binanggit ay violative of the Constitution ‘yung kanilang prangkisa,” sabi ni Bautista. “Kaya napakabigat po ng bintang na kailangan 50 years lang ang public utility.”
Sa naturang pandinig, ipinahayag din nina Rep. Carlos Zarate at Rep. Lito Atienza na ang 50 taong limitasyong sa Konstitusyon ay patungkol sa tagal ng bisa ng isang prangkisang binibigay ng Kongreso.
Para kay Rep. Rufus Rodriguez, walang kaugnayan ang naturang isyu sa franchise application ng ABS-CBN. Aniya, paulit-ulit nang nagbigay ng prangkisa ang Kongreso sa mga kumpanyang higit sa 50 taon na ang itinagal.
Samantala, sinabi naman ni Rep. Edcel Lagman na dapat payagang magpatuloy ang operasyon ng mga kumpanyang higit sa 50 taon nang nagseserbisyo sa publiko at sa bansa.