Hiniling sa mga mambabatas ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM), Professional Artists Managers, Inc. (PAMI) at ng labor center na Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (Sentro) na isipin ang kabuhayan ng mga apektadong manggagawa at bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN sa naganap na pagdinig sa Kamara noong Martes (Hunyo 30).
Sinabi ni OPM president Ogie Alcasid na nakikiisa ang grupo sa hiling ng ABS-CBN na mabigyan itong muli ng prangkisa dahil malaki ang papel nito para matupad ang mga pangarap ng mga mang-aawit at matulungan ang kabuhayan ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng mga programa nito.
“Naniniwala po kami na napakalaki po ng naitulong at maitutulong pa ng kanilang music platforms upang matulungan po ang ating mga local singers at songwriters na maipalabas at maiparinig ang kanilang created content tulad ng kanilang mga awitin at ang kanila pong performances,” ani Ogie.
Humiling din sa Kamara ang pangulo ng Professional Artist Managers, Inc. (PAMI) na si June Rufino na ikunsidera ang kabuhayan ng mga miyembro at pamilya ng kanilang grupo.
“It is our humble plea to the honorable franchise committee to find it in your hearts and consciousness the future of over 5,000 families who are dependent and hopeful for your affirmative decision on the franchise renewal of ABS-CBN,” sabi ni June.
“Without the production employment from ABS-CBN, a significant number of taxpaying Filipino artists will be burdened by their subsequent loss of income,” dagdag niya.
Ibinahagi naman ni Cory Vidanes, ang COO for broadcast ng kumpanya, kung paano sumusuporta ang mga manggagawa nito para sa laban tungo sa bagong prangkisa sa kabila ng kanilang takot na mawalan ng trabaho.
“Ang mga Kapamilya namin ay puno ng pangamba at takot para sa kinabukasan nila at ng kanilang pamilya. Pero patuloy po sila na nagdadasal, sumusuporta, at umaasa na marenew ang aming franchise para po makasigurado sa kinabukasan ng kanilang mga pamilya at para po makapagpatuloy kaming magserbisyo sa mga Pilipino sa pamamagitan ng aming mga programang nagbibigay impormasyon, edukasyon, inspirasyon, pag-asa, at saya,” aniya.
Samantala, iminungkahi ng Sentro na maglagay ng pro-worker provisions sa bagong prangkisa ng ABS-CBN at ibinahagi nito na hindi makatao ang kasalukuyang pangamba ng mga manggagawa nito na mawalan ng trabaho.
“Naniniwala po kami na dapat natin itong ituloy para pag-usapan din ang kapakananan ng mga kasalukuyang empleyado ng ABS-CBN Corporation. Ang magkaroon ng aabot sa 11,000 na manggagawa na humaharap sa pangamba sa kanilang kabuhayan sa gitna ng isang pandemya, sa aming pananaw, ay isang immoral, hindi makatao, at simpleng maling pangayayari,” sabi ng Sentro campaign officer na si Benjamin Miguel Alvero.
Sa parehong pagdinig, umapela rin si Baguio City Rep. Mark Go sa Kongreso na suportahan ang ABS-CBN at protektahan ang mga trabaho ng mga manggagawa nito.
“It’s not about what we debate today that matters, it’s the impact of our debate to our people. And if we want to be relevant and responsible in the delivery to our constituents and our people, it’s high time that we decide to renew for another 25 years the franchise of ABS-CBN. We will not only be helping their people, but the entire country,” ani Rep. Go.
Hinimok din ni Paranaque City District II Rep. Myra Tambunting ang mga kapwa mambabatas na isipin ang mga manggagawang maaapektuhan lalo na ngayon na ang bansa ay nasa gitna ng isang matinding unemployment crisis.
“I hope that when the committee decides on the franchise, we will consider the many employees whose livelihood are dependent on our decision,” hiling niya.