News Releases

English | Tagalog

Mga nawalan ng trabaho sa ABS-CBN Regional, todo ang pagtulong sa pamamagitan ng “Pantawid ng Pag-ibig”

September 25, 2020 AT 12:06 PM

ABS-CBN Regional's retrenched staff lead “Pantawid ng Pag-ibig” activities in Visayas

The former workers of ABS-CBN’s various provincial stations recently led the distribution and turnover of relief goods for Filipinos affected by the quarantine in Visayas as volunteers of ABS-CBN Foundation’s “Pantawid ng Pag-ibig.”

Diwa ng “Kapamilya,” hindi nawawala
 
Hindi nawawala sa puso ng mga dating tauhan ng ABS-CBN Regional ang paglilingkod sa kapwa Pilipino sa kabila ng pagtatapos ng kanilang operasyon noong Agosto 31.
 
Sa katunayan, patuloy silang nag-aabot ng serbisyo sa ating mga kababayan sa ngalan ng ABS-CBN sa pamamagitan ng kampanyang “Pantawid ng Pag-ibig.”
 
Kamakailan lang, naghatid ang mga volunteer na dating Kapamilya ng pagkain at mga pangangailangan sa araw-araw para sa libo-libong pamilyang apektado ng pandemya sa Bacolod, Tacloban, at Iloilo.
 
Kabilang dito ang ang dating public service officer ng ABS-CBN Bacolod na si Angelo Angolo. Sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Angelo na mananatiling buhay sa kanila ang diwa ng slogan ng network na “In the Service of the Filipino.”
 
"Naipasara lang naman ang physical structure, pero ang puso at commitment... 'yong commitment na gusto tumulong, hindi nila mapapatigil," ani Angolo.
 
Dagdag ng dating news head ng ABS-CBN Tacloban na si Sharon Carangue, "Yolanda survivors kami, kaya we know how it feels sa nangangailangan ng tulong. Very fulfilling na mag-extend ng public service."
 
Sa Iloilo naman, pinangunahan ng dating ABS-CBN Iloilo news head na si Gemma Villanueva ang turnover ng 150 sako ng bigas, 4,500 pirasong sardinas na de lata, at 3,000 pirasong beef loaves na ipamamahagi sa 1,500 pamilyang Ilonggo.
 
Sa kanyang opisyal na Facebook page, nagpahayag ng pasasalamat ang alkalde ng Iloilo na si Jerry Treñas.
 
“We are grateful for ABS-CBN’s ‘Kapamilya spirit’ to provide aid to our fellow Ilonggos in need. Madamu guid nga salamat. Batò lang kita. Uswag Iloilo,” sabi niya.
 
Noong Marso nagsimula ang ABS-CBN at ABS-CBN Foundation sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at pribadong kumpanya upang mahatiran ng relief goods ang mga pamilyang nawalan ng hanapbuhay dahil sa ipinatutupad na community quarantine.
 
Hanggang Setyembre 23, umabot na sa mahigit Php 455 milyon ang halaga ng mga pagkain at basic commodities na naipamigay ng Pantawid ng Pag-ibig sa mahigit 910,000 na pamilya na apektado ng pandemya.  Ang halagang ito ay nakalap mula sa tulong ng maraming donors at partners na sumusuporta sa kampanya.
 
Maliban sa National Capital Region (NCR), umabot na rin ang paghahatid ng tulong ng Pantawid ng Pag-ibig sa mga piling lalawigan sa buong bansa -- Bacolod, Bataan, Batangas, Bulacan, Camarines Sur, Cebu, Davao, Iloilo, Laguna, Negros Occidental, Nueva Ecija, Oriental Mindoro, Pangasinan, Quezon, Rizal, Sorsogon, Tacloban, Pampanga at Zambales.   
 
Patuloy na kumakalap ng donasyon ang “Pantawid ng Pag-ibig: Isang Daan. Isang Pamilya.” ng ABS-CBN Foundation lalo na at nasa ilalim pa ng community quarantine ang iba-ibang bahagi ng bansa. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang pantawidngpagibig.com, abs-cbnfoundation.com, o i-follow ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook. Para sa ibang balita, i-follow ang ABS-CBNPR (@abscbnpr) sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.