News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, gagawin ang Pinoy adaptation ng BBC series na “Doctor Foster"

April 13, 2021 AT 12:17 PM

Audiences in the Philippines to be treated with "Doctor Foster"

BBC Studios has licensed the popular scripted format to ABS-CBN.

Magkakaroon na ng Pinoy adaptation ang sikat na British drama series na “Doctor Foster” matapos makipagkasundo ng ABS-CBN Entertainment sa BBC Studios na gumawa ng local version para sa Pinoy viewers.

Una nang ipinalabas ng ABS-CBN ang South Korean adaptation nitong “The World of the Married” sa Kapamilya Channel noong Hunyo 2020 kasunod ng pagkilalang nakuha nito bilang highest-rating South Korean cable TV drama sa kasaysayan.

Ang Pinoy remake ng “Doctor Foster” ang una para sa isang scripted British series pagkatapos pumatok sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang kakaibang kwento nito ng pagtataksil at paghihiganti.

Tampok sa serye ang kwento ng isang babaeng biniyayaan ng isang masaya at kumpletong pamilya, na dahan-dahang mawawasak sa oras na makutuban niyang nanloloko ang kanyang asawa hanggang sa makumpirma niya ito.

Ang Pilipinas ang ikaanim na bansang gagawa ng sarili nitong bersyon ng “Doctor Foster” pagkatapos ng South Korea, India (“Out of Love”), Russia “Tell Me the Truth,” Turkey (“Sadakatsiz”), at France (“Infidéle”).

Ang original British series naman ay isinulat ni Mike Bartlett para sa BBC One sa produksyon ng Drama Republic.

Malapit nang ianunsyo ng ABS-CBN Entertainment ang local title ng “Doctor Foster,” pati na ang aktres na bibida at ang cast na magbibigay-buhay sa Pinoy remake nito.

Para makakuha ng updates, sundan lang ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.