Tampok ang “First Impressions” remix nina Yuan Estrada at Dave Anonuevo bilang carrier single
Mapapakinggan na rin ang Deluxe version ng “Options” album ni Inigo Pascual tampok ang mga kolaborasyon niya kasama ang notable artists mula sa Manila, Singapore, Los Angeles, San Diego, at Bay Area. Bahagi rito ang original tracklist pati na rin ang alternate versions mula sa nagdaang dalawang taon at apat na bagong remix galing sa grupo ng producers at artists mula sa Singapore.
Nitong Hunyo lang nang i-release ni Inigo ang “Options The Album” kung saan ibinida niya ang Original Pilipino Music (OPM) sa international stage gamit ang 12 orihinal na mga kanta na ini-record niya kasama ang batikang composers at Grammy-nominated producers simula 2019.
Ngayon, mas pinalawak pa niya ang pakikipagsanib-pwersa sa mga local at international acts sa pamamagitan ng “Options Deluxe” kung saan bida sa ‘Volume 2’ ang mga bagong interpretasyon ng mga kanta sa “Options’ album.
Una na rito ang “First Impressions (Yuan Estrada x Dave Anonuevo Remix)” na dinagdagan ni Yuan ng panibagong verse. Maririnig din daw sa remix ang mas nakakaindak na beat at samba type percussion.
Ang Singapore-based Filipino producer na si Dave ang nag-recruit kay Yuan—na anak ng mga artistang sina Janice de Belen at John Estrada—na gumawa ng bagong bersyon ng kanta. Matapos marinig ang mga unang draft ni Yuan, sumali na rin si Dave para mas mapaganda ang proyekto. “After adding some of my sparkles, we made a banger of a remix,” kwento ni Dave.
Bukod sa “First Impressions” remix, maririnig din sa “Options Deluxe” ang remix collab ni Dave sa kapwa Singapore-based Filipino artist na si Tonie Enriquez para sa kantang “Always,” na dinagdagan ng rap stanza ni Tonie bilang sagot sa verse ni Inigo.
Binigyan naman ng producer na si jimmy_thegoat ng mas dark na tunog ang “Love U Right” gamit ang piano at bass elements, habang tampok naman sa bagong bersyon ng “Not Him” si UTCPLUS8, na pinalitan ang ilang lyrics ng kanta para maging duet ito kasama si inigo.
Kasama rin sa “Options Deluxe” ang mga nauna nang nailabas na alternate versions ng mga kanta ni Inigo gaya ng house remix ni Tarsier Records label head Moophs para sa “Options,” medley na “Catching One Lemonade” kasama ang mga Fil-Am R&B sensation na sina Jeremy Passion at Gabe Bondoc, hip-hop remix ng “Catching Feelings” gawa ni San Diego-based producer-DJ na si Dennis Blaze, at remix ng “Catching Feelings” mula sa Grammy-nominated reggae producer na si Bimwala na may feel-good verse mula sa legendary reggae artist na si J Boog na nagdagdag ng sarili niyang flavor sa kanta.
Pakinggan ang “Options Deluxe” album ni Inigo sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa updates, sundan ang Tarsier Records sa mga social media accounts nito, @tarsierrecords.