“Four Sisters,” “My Perfect You,” at marami pang iba may English subtitles na rin
Singtindi ng kilig ng original ang naka-English dubbing na episodes ng “On the Wings of Love” nina James Reid at Nadine Lustre, pati na ng tatlo pang patok na Kapamilya love stories, sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel hanggang Agosto 31.
Libreng mababalik-balikan ng fans ang “On the Wings of Love,” kung saan unti-unting mahuhulog ang loob sa isa’t isa nina Clark at Leah matapos nilang mapilitan magpakasal sa Amerika para matupad ang mga pangarap nila.
Mapapanood din ang “Be My Lady,” kung saan mag-iibigan ang mahinhing si Pinang at playboy na si Phil (Erich Gonzales at Daniel Matsunaga) sa kabila ng pagkakaiba ng wika, kaugalian, at pinanggalingan nila.
Naka-English dubbing din ang “Since I Found You” tampok ang pagtatagpo ng mga mundo ng supladong negosyanteng si Nathan (Piolo Pascual) at masayahing si Andi (Arci Muñoz).
Patutunayan naman nina Kim Chiu, Gerald Anderson, Jake Cuenca, at Coleen Garcia kung hanggang saan ang kayang nilang ipaglaban para sa pagmamahal sa “Ikaw Lang Ang Iibigin” matapos maungkat ang matagal nang sikreto ng kani-kanilang mga pamilya.
Bukod sa mga serye, libre ring mapapanood sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment ang mga blockbuster movie na may English subtitles, kagaya ng family dramedy na “Four Sisters and a Wedding” nina Angel Locsin, Bea Alonzo, Shaina Magdayao, at Toni Gonzaga.
Available din ang mga hit romcom ni Gerald Anderson gaya ng “Always Be My Maybe,” kung saan pipilitin niyang mag-move on mula sa ex-girlfriend kasama si Arci Muñoz. Katambal naman ni Gerald si Pia Wurtzbach sa 2018 movie na “My Perfect You,” kung saan tulungan ni Abi (Pia) si Burn (Gerald) na makalimutan ang mga problema niya sa buhay.
Bukod sa mga ito, nasa ABS-CBN Entertainment YouTUbe channel din ang English-dubbed episodes ng “Doble Kara,” “It Might Be You,” at “Crazy for You,” pati na ang English-subbed movies na “Super Parental Guardians,” “How To Be Yours,” “Just the 3 of Us,” “All You Need is Pag-ibig,” at “Kusina Kings.”
Naka-English man ang salita, madadama ang parehong emosyon sa mga pelikula at teleserye ng ABS-CBN kaya mag-subscribe na sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment, ang pinakapinapanood na YouTube channel sa Southeast Asia, para ma-enjoy ang mga ito nang libre hanggang Agosto 31.