With another Enhanced Community Quarantine being imposed in Metro Manila and other areas, Filipinos can still expect the assistance of ABS-CBN News and ABS-CBN Foundation with the help of donors and partner organizations.
“Pantawid ng Pag-ibig,” patuloy ang paglilingkod ngayong pandemya
Patuloy ang pag-alalay ng ABS-CBN Foundation sa mga Pilipino saan man sa bansa tulad na lang mga naapektuhan ng mga pagbaha at pag-alburuto ng bulkang Taal kamakailan lang.
Ilan sa natulungan si Jocelyn Hernandez ng Oriental Mindoro at Rose Gonzales ng San Mateo, Rizal na kinailangang lumikas mula sa kanilang mga bahay kasama ang kanilang pamilya upang maiwasan ang sakuna.
Mga bigas, de lata, hygiene kits, alcohol, mask, at mga damit ang natanggap ni Jocelyn, na wala nang uuwiang bahay matapos matibag ng malakas na agos ng baha ang pader ng kanilang tahanan. Mainit na pagkain, vitamins, at face mask naman ang naihatid kay Rose, na kabilang sa mahigit 1,200 na bakwit na tumuloy sa Brgy. Sta. Ana Elementary School noong kasagsagan ng mga pag-ulan.
Narating din ng Foundation ang iba pang apektado ng mga pagbabaha sa Marikina, Zambales, at Batangas bitbit ang relief goods para sa kanila.
Sa pamamagitan naman ng “Tulong Tulong sa Taal,” naabutan din ng tulong ang 3,979 na pamilya sa mga evacuation center sa Agoncillo, Laurel, Tanauan, Balete, at Nasugbu na lumikas dahil sa pagaalburuto ng bulkan. Nabigyan din ng N95 masks, alcohol, at vitamins ang mga frontliner na rume-responde roon.
Hindi rin tumitigil ang kampanyang “Pantawid ng Pag-ibig” para naman alalayan ang mga nawalan ng trabaho at apektado ang kabuhayan dulot ng pandemya tulad na lang ng mga mananahi sa Taytay, Rizal.
Sa tulong ng community pantry organizer na si Camille Balabis, nadalhan ng ABS-CBN Foundation sila at ang 400 pang pamilya sa Brgy. Darangan ng bigas at de latang pantawid. “Isang meal a day 'yung ma-survive nila sobrang tuwang-tuwa na po sila nun. So much more pa kaya ito na ilang kilong bigas 'yung nakuha nila, palagay ko po magtatagal ng ilang araw 'yung supply so malaking-malaking bagay po talaga 'to,” pahayag ni Camille sa “TV Patrol.”
Nitong Hulyo, dumayo rin ang “Pantawid ng Pag-ibig” sa Bulacan, Manila, Navotas, Pateros, Caloocan, Valenzuela, at Taguig upang maghatid ng tulong.
Sa bagong paghihigpit sa pagpapatupad muli ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at iba pang lugar, maaasahan pa rin ang pag-alalay ng ABS-CBN News at ABS-CBN Foundation sa tulong ng mga donor at partner organizations. Para sa detalye upang makibahagi sa mga pagpapaabot ng tulong, pumunta lang sa www.abs-cbnfoundation.com o sa opisyal na Facebook page ng ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc).
Para sa ABS-CBN updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.