News Releases

English | Tagalog

Noli, magbabalik-tanaw sa mga kwento ng kababalaghan sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan”

October 21, 2022 AT 03:23 PM

Tampok ang mga kwento tungkol sa aswang, haunted house, atbp sa Kababalaghan Klasiks mula sa ‘Magandang Gabi Bayan'

 

Dadalhin ni Kabayan Noli de Castro sa nakaraan ang mga manonood dahil sa pagpapalabas ng mga klasikong horror episodes mula sa kanyang tanyag na programang “Magandang Gabi Bayan” ngayong Linggo (Oktubre 23) sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan.”

Para sa mga #MGBBatang90s, isa itong paglalakbay sa “memory lane” dahil muling mapapanood ang ilan sa mga pinakanakakatakot na kuwento mula 1990s hanggang 2000s, kabilang na ang pagsasalaysay ng isang babeng pinaghihinalaang aswang mula sa Palawan at isang binatang aswang mula sa Bicol.

Walang sinuman ang makakalimot sa nakakakilabot na mga kwento tungkol sa mga haunted house. Isa na rito ang istorya ng isang pamilya dahil sa pagpaparamdam ng isang nilalang sa kanilang tahanan. Mapapanood din ang walang katapusang katatakutan sa kilalang Laperal White House sa Baguio City.

Hindi makukumpleto ang isang Halloween episode kung hindi makikita ang sikat na white lady. Matutunghayan ang kwento ng mga residente sa Ilocos Sur at Laguna na nasaksihan ang presensya ng multo.

Tampok din sa episode ang ilang kwento tungkol sa mga pambubulabog ng mga hindi matahimik na kaluluwa at elemento sa Brgy. Sampiruhan, Laguna at Negros Oriental.

Huwag palampasin ang “Magandang Gabi Bayan” throwback episode para sa #MGBBatang90s ngayong Linggo (Oktubre 23) sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan” sa A2Z, TeleRadyo, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, youtube.com/ABSCBNNews at sa news.abs -cbn.com/live.

Para sa karagdagang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.