News Releases

English | Tagalog

“The Broken Marriage Vow," numero unong show sa iWantTFC at Viu

February 10, 2022 AT 01:34 PM

Parami nang parami ang nanggigigil sa Kapamilya drama series na “The Broken Marriage Vow” dahil ito ngayon ang pinakapinapanood na show sa iWantTFC at ang most viewed Asian drama naman sa Viu.
 
Nakatutok ang viewers sa pag-iimbestiga ni Jill (Jodi Sta. Maria) sa pambababae ni David (Zanjoe Marudo) sa parehong streaming platforms, kung saan available ang bagong episodes ng programa 48 oras bago ito ipalabas sa TV.
 
Nauubos na nga ang pasensya ni Jill matapos harap-harapang itanggi sa kanya ni David na may kabit ito. Nalaman din ni Jill mismo mula kay Marina (Susan Africa), ang ina ni David, na dalawang taon na pala at hindi tatlong buwan lang ang relasyon ni David sa kabit nitong si Lexy (Sue Ramirez).
 
Habang lumalalim ang pagkamuhi ni Jill sa asawa, patuloy siyang nagkukunwari na walang siyang alam sa ginagawa nito habang iniimbestigahan ang panloloko nito at pinaplano ang susunod na gagawin.
 
Kinonsulta na ni Jill si Atty. Dante (Franco Laurel), na nagpayo sa kanyang alamin muna ang kalagayan ng pera niya na hawak-hawak ni David bago magsampa ng annulment. Para makuha ang katotohanan, aakitin ni Jill si Charlie (Ketchup Eusebio), ang oportunista at babaerong kaibigan ni David na matagal nang may gusto sa kanya.
 
Dagdag pa riyan ang pang-uutos ni Jill kay Diane (Jane Oineza) na kaibiganin si Lexy para malaman ang nangyayari sa relasyon ng asawa.
 
Samantala, nagdesisyon naman si Lexy na huwag nang ituloy ang pagpapalaglag sa baby niya pagkatapos siyang pangakuan ni David na papanagutan nito ang anak nila at makikipaghiwalay rin ito kay Jill.
 
Bukod sa iWantTFC at Viu, nasusubaybayan ang “The Broken Marriage Vow” mula Lunes hanggang Biyernes, 8:40 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “The Broken Marriage Vow.”
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.