Kabayan, itatampok ang isang babaeng drayer ng trak
Ikukwento nina Vhong Navarro, Jugs Jugueta at Teddy Corpuz o Team JTV ang kanilang naging paghahanda sa kanilang viral na “It's Showtime Magpasikat” tribute performance para sa mga komedyante sa “Tao Po” nitong Linggo (Nobyembre 19).
Bahagi ang performance na ito sa pagdiriwang ng ika-14 na anibersaryo ng noontime variety show, kung saan nasungkit nila ang ikatlong puwesto sa kompetisyon. Pinaghahati-hati ang mga host ng palabas sa mga koponan at maglalaban-laban sa pamamagitan ng mga performance na may iba't ibang konsepto.
Aalamin ni Doris Bigornia kung paano nabuo ng tatlong host ng “It’s Showtime” ang konsepto ng kanilang pagtatanghal sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiyang AI. Ibabahagi rin ng Team JTV ang dahilan sa likod ng kanilang orihinal na kanta at tatalakayin ang epekto ng kanilang pagganap sa madla at maging sa kanilang mga sarili.
Samantala, itatampok ni Bernadette ang isang pamilya na nag-aalaga sa kanilang ina at lola na may Alzheimer’s disease. Ibabahagi ng mga anak ni Lola Gloria Cosipag kung paano nila hinarap ang mga pagsubok na dala ng sakit at kung paano nila tinatanggap ang kanilang kapalaran nang may bukas na isipan at puso.
Makakasama rin ni Kabayan Noli De Castro si Rose Ann Cayetano, na isang truck driver, na magkukwento kung paano siya natutong magmaneho ng trak at kung paano siya nakikitungo bilang isang babaeng driver sa trabahong dominado ng mga lalaki.
Huwag palampasin ang mga kapana-panabik na kuwento na ito ngayong Linggo (Nobyembre 19) sa "Tao Po" tuwing 2:15 ng hapon sa A2Z at 6:15 ng gabi sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at ABS-CBN News Online.
Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, at Threads o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.