News Releases

English | Tagalog

Karen Davila at Migs Bustos, magtatambal para sa pagbabalik ng “My Puhunan: Kaya Mo!” simula ngayong Linggo

July 14, 2023 AT 11:59 AM

Eere ngayong Hulyo 16, 9:30 am 

 

Magbabalik ang award-winning mamamahayag ng ABS-CBN na si Karen Davila upang magtampok ng mga kwentong tagumpay na kapupulutan ng inspirasyon ng viewers kasama ang bago niyang co-host na si Migs Bustos sa mas pinalakas na “My Puhunan: Kaya Mo!” simula ngayong Linggo (Hulyo 16), 9:30 am. 

Ani Karen, natutuwa siya sa pagbabalik ng programa sa ere. “I feel absolutely grateful that ‘My Puhunan’ made an impact in the lives of many of our entrepreneurs! The show gives a platform to new businesses and inspires Filipinos to start their own! But ‘My Puhunan’ now has expanded - hindi nalang ito negosyo, kasi lahat tayo may puhunan! Talento, diskarte, sipag, galing sa isang bagay - na maaaring makapag-payaman sa atin,” sabi niya. 

Ikinuwento rin ni Karen na pinili niya si Migs bilang co-host dahil panahon na raw para ibahagi ang programa sa ibang mahuhusay na Kapamilyas sa ABS-CBN News. 

“I would have wanted more anchors and reporters to be part of ‘My Puhunan.’ It is time to build more of our talents and share the show,” dagdag ni Karen. 

Samantala, marami raw napupulot na aral si Migs sa kanyang co-host na si Karen. Aniya, “I had a little experience before working with KD [Karen Davila] sa ANC. Pero brief stint lang ‘yun. Pero ito talaga ‘yung going out on the field, learning from her, yung expertise niya sa production, ‘yung expertise with film…maganda kasi natututo ka parati. Marami akong napi-pick up so it’s a learning experience. Bonus nalang para sa akin na katambalan ko siya.” 

Para sa pilot episode ng programa ngayong Linggo, itatampok ng “My Puhunan” ang isang dating OFW na ngayon ay milyonarya na – si Ghie Pangilinan ng Skin Magical.  

Unang nakapanayam ng “My Puhunan” si Gie noong 2018 at bagamat nagkaroon ng pandemya, naging daan pa ang pagsubok na ito para lumago ang kaniyang beauty business. Bukod sa beauty business, may iba’t ibang negosyong napundar si Ghie at kanyang asawa na si Jerry. Nakapagpundar na rin sila ng mga sasakyan at kasalukuyang ipinatatayo ang kanilang dream house.  

Huwag palampasin ang kwentong tagumpay ni Ghie sa ‘My Puhunan: Kaya Mo!’ kasama sina Karen Davila at Migs Bustos simula ngayong Linggo, Hulyo 16, 2023, 9:30 a.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, news.abs-cbn.com/live at sa iba pang ABS-CBN News online platforms. 

Para sa ibang updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.